Home METRO Ligtas na pagbabalik-biyahe ng publiko pagtapos ng Undas, tiniyak ng LTFRB

Ligtas na pagbabalik-biyahe ng publiko pagtapos ng Undas, tiniyak ng LTFRB

286
0

MANILA, Philippines – Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tiyakin ang ligtas at maginhawang biyahe ng publiko sa paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Days, inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng paggabay ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, ang lahat ng Regional Director ng ahensya na ipagpatuloy ang pagsusuri sa road worthiness ng mga pampasaherong bus.

Inaasahang milyon-milyong Pilipino ang babalik sa kanilang mga tahanan, paaralan, at trabaho matapos ang mahabang bakasyon.

Sinabi ni  LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan din niya ang mga Regional Director na tiyakin ang pisikal at mental na kahandaan ng mga drayber at konduktor para sa mga mahabang biyahe.

“Magpapatuloy ang ating koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng lahat ng pasahero sa kanilang pagbabalik mula sa mga probinsya matapos ang Undas,” ani Chairperson Mendoza.

Dagdag pa niya, inatasan ang lahat ng RD na magsagawa ng kinakailangang inspeksyon sa mga bus terminal at iba pang transport hubs.

“Kung kinakailangan ang pagsasagawa ng drug test, gagawin ito. Ang pinakamahalaga ay ang kaligtasan ng lahat ng mananakay at iba pang gumagamit ng kalsada,” sabi pa ni Mendoza.

Inaasahang milyon-milyong Pilipino ang magbibiyahe, karamihan ay gagamit ng pampublikong transportasyon habang ang iba naman ay sasakay ng kanilang sariling sasakyan.

Bilang tugon sa inaasahang dagsa ng mga pasahero, inaprubahan ng LTFRB ang mahigit 800 special trips ng mga bus para sa Undas break.

Nabatid pa kay Mendoza, patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga tauhan ng LTFRB sa Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan upang higit pang mapalakas ang kaligtasan sa kalsada at pagbibigay-tulong sa mga motorista. Naglagay din ang PNP at mga LGU ng mga motorist assistance center sa mga pangunahing lansangan sa buong bansa.

“Ito ay isang whole-of-government approach upang matiyak ang kaligtasan ng milyun-milyong kababayan natin na nagsisimula nang bumalik sa Metro Manila at iba pang urban centers,” ani Mendoza. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here