MANILA, Philippines – Limang transmission lines sa Eastern Visayas at CARAGA ang naputol nitong Martes ng madaling araw dahil sa malalakas na hangin at ulan na dala ng bagyong Tino, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Kabilang sa mga apektadong linya sa Leyte, Southern Leyte, at CARAGA ang Maasin-Baybay, Ormoc-San Isidro, Ormoc-Baybay, Maasin-San Isidro, at Placer-Madrid 69kV lines, na nagsusuplay ng kuryente sa mga kooperatiba tulad ng LEYECO III, IV, V, SOLECO, DORELCO, SURNECO, SIARELCO, at SURSECO II.
Nakapagtala rin ang NGCP ng hindi gumaganang 138kV at 350kV line.
Ayon sa NGCP, “nakapagmobilisa na ng line crews at kasalukuyang nagsasagawa ng patrols. Isinasagawa rin ang sabayang restoration activities sa mga lugar na maaari nang puntahan.”
Dagdag pa ng ahensya, maaaring dulot ng nasirang transmission o local distribution facilities ang pagkawala ng kuryente. Ang mga lokal na electric cooperative ang tutukoy sa eksaktong mga lugar na apektado ng power interruption. Santi Celario