MANILA, Philippines — Lumampas na sa isang milyon ang bilang ng mga pasaherong dumaan sa iba’t ibang pantalan sa bansa sa gitna ng Undas exodus, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Sa pinakahuling passenger traffic update ng PPA, umabot sa 1,026,049 ang kabuuang bilang ng mga biyahero mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 1.
Nakapagtala naman ng 36,753 pasahero hanggang alas-8 ng umaga nitong Linggo, Nobyembre 1.
Pinakamaraming pasahero ang naitala noong Sabado sa 245,718, habang 222,874 naman ang naitala noong Biyernes.
Inaasahan ng PPA na aabot sa 1,934,604 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong daraan sa mga pantalan mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5.
Mas mataas ito sa tinatayang 1,905,063 pasahero noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga pantalan na inaasahang may pinakamalaking volume ng pasahero ang Iloilo River Wharf, Babak Port sa Davao del Norte, Batangas Port, Jordan Port sa Guimaras at Sasa Port sa Davao.
Samantala, iniutos kamakailan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang pagpapatupad ng 24/7 ticketing system sa Manila North Port sa Tondo.
Kasunod ito ng insidente kung saan isang 54-anyos na pasahero ang napilitang magpalipas ng gabi sa labas ng pantalan dahil hindi agad nakabili ng ticket para sa pinakamaagang biyahe patungong Bacolod.
Sinabi ng PPA na posible ang 24/7 ticketing system at inatasan ang 2Go na magtalaga ng kahit isang personnel na may working computer upang matulungan ang mga pasaherong dumarating sa pantalan kahit dis-oras ng gabi. Mary Anne Sapico