Home METRO Suspek na pumatay ng pulis MPD sa Pasay, nalambat sa Cavite

Suspek na pumatay ng pulis MPD sa Pasay, nalambat sa Cavite

374
0

MANILA, Philippines – Sa isinagawang joint operation ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS), Station Intelligence Section (SIS), at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City Police, sa pakikipag-ugnayan ng Imus City Component Police Station, ay nadakip ang suspek na bumaril at nakapatay ng isang pulis, kung saan nadamay pa ang dalawang biktima na sugatan mahigit dalawang buwan na ang nakararaan sa Pasay City.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang inarestong suspek na si alyas Sansuwe, 23, residente ng Dasmariñas City, Cavite.

Base sa report na natanggap ni Tafalla, nangyari ang pag-aresto kay alyas Sansuwe bandang alas-2:00 ng hapon nitong Nobyembre 2 sa Gen. Castañeda St., Poblacion 3A, Imus City, Cavite.

Ayon kay Tafalla, naisakatuparan ang matagumpay na pagdakip ng suspek sa bisa ng isinilbing warrant of arrest na may kaugnayan sa kasong grave threats (Art. 282, RPC) at illegal possession of firearms (paglabag sa R.A. 10591) sa ilalim ng Criminal Case No. BCCR 23-0326 na inisyu noong Agosto 4, 2023, ni Bacoor City Municipal Trial Court in Cities (MuTC) Judge Rosette Hernandez Abrenica ng Branch 3, na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng P3,000.

Narekober sa posesyon ng suspek ang isang Taurus Cal. 9mm pistola na mayroong magazine na kargado ng 15 bala.

Agad na dinala sa custodial facility ng Las Piñas City Police ang suspek habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat ng lugar na kanyang pagkukulungan.

Si alyas Sansuwe ay ang di-umano’y bumaril at nakapatay kay PSSG Jomar Caliguiran, nakatalaga sa Manila Police District (MPD), habang nakaupo ang biktima sa kanyang nakaparadang motorsiklo matapos tangkaing hablutin ang kanyang kwintas ng suspek, na nagresulta ng palitan ng putok sa kanto ng Taft Avenue at Primero de Mayo Street, Barangay 90, Pasay City nitong nakaraang Agosto 23, na ikinamatay ng biktima.

Sa naganap na insidente ng pamamaril ay nadamay ang dalawa pang biktima na tinamaan ng ligaw na bala, kinilalang sina Ajjon Baldenibro, 31, at ang tricycle driver na si Melchor Bermundo, 64.

Sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon ay napag-alaman na sangkot din si alyas Sansuwe sa mga kaso ng pagnanakaw at holdap sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, gayundin sa lalawigan ng Rizal. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here