MANILA, Philippines – Hindi dapat maging pahirap ang pagkuha ng Solo Parent ID.
Ito ang katwiran ni Parañaque Rep. Brian Raymund Yamsuan bilang batayan sa inihain nitong House Bill 4034 o Online Registration and Renewal for Solo Parents Act, na naglalayong gawing mas madali ang proseso sa aplikasyon at pagkuha ng Solo Parent Identification Cards (SPIC).
Sa ilalim ng panukala ni Yamsuan, aatasan ang mga Solo Parent Office (SPO) sa lahat ng local government units (LGUs) na makipagkoordina sa Philippine Statistics Authority (PSA) at sa iba pang government agencies para sa documentary requirements na kailangan sa pagkuha ng SPIC.
“Our proposal to establish an online registration and renewal system for the SPIC would make the process faster, more convenient, and less costly for many struggling single parents nationwide,” paliwanag ni Yamsuan.
Ipinaliwanag ni Yamsuan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagsasagawa na ng pilot test para sa online Solo Parent ID System, at malaki ang maitutulong kapag ang ganitong proseso ay naging batas na.
“We laud this effort by the DSWD to help ease the burdens faced by many solo parents. House Bill 4034 aims to complement this initiative and ensure that it gets the regular funding needed to implement it on a nationwide scale once the bill is passed into law,” dagdag pa ni Yamsuan.
Sinabi ni Yamsuan na ilan sa mga dokumento na hinahanap bago makakuha ng SPIC ay birth, marriage, death certificates, at certificates of no marriage (CENOMAR). Aniya, sa oras na ang mga SPO ay mayroon nang koordinasyon sa PSA, mabilis na ang proseso at magagawa rin ito sa pamamagitan ng online process.
Maging sa renewal ng SPIC ay hindi na rin kailangan pang magsumite ng dokumento dahil mayroon nang record.
Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), nasa 14 hanggang 15 milyon ang solo parents sa Pilipinas, na karamihan ay mga kababaihan. Gail Mendoza