CEBU — Inihayag ni Gobernador Pamela Baricuatro ang buong lalawigan ng Cebu sa ilalim ng state of calamity matapos ang matinding pinsala at pagkasawi ng 111 katao dahil sa Bagyong Tino. Inilabas ang Executive Order 68 noong Nobyembre 5, 2025, upang pabilisin ang rescue, relief, at rehabilitation efforts.
Iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang malawakang pagkasira ng mga bahay, imprastruktura, at serbisyo tulad ng kuryente, tubig, at komunikasyon.
Pinakamataas ang bilang ng namatay sa Liloan (35) at Compostela (25), kasama ang iba pang lungsod at bayan.
“All provincial offices, cities and municipalities are now authorized to use their Quick Response Funds and other available resources to support emergency operations,” sabi ni Baricuatro.
Iniutos din niya ang price freeze sa mga pangunahing bilihin upang maiwasan ang hoarding at profiteering.
Patuloy ang pagpapanumbalik ng kuryente, na kasalukuyang 45 porsyento na lamang ang naka-recover, habang limitado rin ang suplay ng tubig at telekomunikasyon.
Nagsasagawa pa rin ng clearing operations at pamamahagi ng relief goods ang mga rescue team, at libu-libong pamilya ang nasa evacuation centers.
Nagpaalala ang Department of Health na iwasan ang baha upang maiwasan ang leptospirosis at sundin ang wastong medikal na payo.
Patuloy din ang abala sa biyahe, kung saan maraming flight at barko ang kinansela, at libu-libong pasahero ang stranded sa mga pantalan.
Nakatakdang bumisita si Pangulong Marcos sa Cebu upang tingnan ang sitwasyon. RNT