Home NATIONWIDE P1.307-T pondo inilabas para mapalakas ekonomiya ng Pinas – Malacañang

P1.307-T pondo inilabas para mapalakas ekonomiya ng Pinas – Malacañang

309
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas ng P1.307 trilyong programmed appropriations upang pasiglahin ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na layon ng ipinalabas na pondo na tiyakin ang mabilis na pagbangon ng bansa, lalo na ng mga komunidad na tinamaan kamakailan ng mga kalamidad.

“Naniniwala ang pamahalaan na kapag nagagamit nang tama ang pera ng bayan para sa imprastruktura, kalusugan, edukasyon o mga direktang subsidiya, mas maraming pera ang pumapasok na tutulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa,” ani Castro.

“Mayroon ding tinatawag na ‘multiplier effect’ ang paggastos ng pamahalaan sa mga mahahalagang programa. Ibig sabihin, bawat pisong inilalabas ay nakalilikha ng higit pa sa isang pisong halaga ng aktibidad sa ekonomiya,” dagdag niya.

Sa P1.306 trilyon, P2.74 bilyon ang gagamitin upang dagdagan ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund. Sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na sakop ng inilaan na budget ang Quick Response Fund replenishment at Emergency Cash Transfers para sa inaasahang mga bagyo sa natitirang bahagi ng 2025.

Ayon sa DBM, makatatanggap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P9.52 bilyon para sa distribusyon ng conditional cash transfers sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program; P7.03 bilyon para sa payouts sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation Program; P5.77 bilyon para sa social pension benefits ng indigent senior citizens; at P4.83 bilyon para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program.

Makatatanggap naman ang Department of Agriculture ng P7.33 bilyon para sa implementasyon ng National Rice Program at karagdagang P2.47 bilyon para sa National Livestock Program.

Sinabi pa ng DBM na P2.29 bilyon ang mapupunta sa National Food Authority (NFA) para sa buffer stocking program at rice distribution program upang matiyak ang availability ng bigas lalo na sa kaso ng ‘unforeseen domestic at global headwinds.’

Tiniyak din ng DBM na mananatiling prayoridad ang edukasyon upang mahasa ang potensiyal ng mga kabataan, sabay sabing P203.82 bilyon ang ipalalabas sa Department of Education (DepEd).

“This includes allocations for Personnel Services totaling P153.71 billion, which will cover the year-end benefits of teachers and personnel, including year-end bonus; and P11.4 billion for the Salary Standardization Law (SSL) adjustments,” ayon sa DBM.

“Meanwhile, P23.62 billion is released for the operations of schools, while P32.79 billion is earmarked for Government Assistance and Subsidies,” dagdag pa nito.

Ipinalabas din ng DBM ang P31.78 bilyon para sa mga state universities and colleges (SUCs) at Commission on Higher Education bilang suporta sa implementasyon ng mga pangunahing higher education programs.

Kabilang sa mga pondong inisyatiba ang free higher education, tertiary education subsidy, at pagpopondo sa personnel benefits at requirements ng SUCs, bilang pagsunod sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act 10931, at upang matiyak ang dekalidad na serbisyo sa mas mataas na edukasyon sa buong bansa.

Upang masiguro ang napapanatiling trabaho, naglaan ang DBM ng P4.89 bilyon para sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa patuloy na pagpapatupad ng pangkabuhayan at emergency employment programs, kabilang ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program, Government Internship Program, DOLE Integrated Livelihood Program, at Adjustment Measures Program.

Ang mga programang ipinatutupad ng DOLE ay naglalayong makalikha ng agarang hanapbuhay, suportahan ang income recovery, at pasiglahin ang livelihood opportunities para sa mga vulnerable sectors.

Tinuran pa ng DBM na P4.3 bilyon ang gagamitin para sa operational expenses ng mga ospital ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila, at karagdagang P9.96 bilyon para sa mga regional hospital.

Ipinalabas din ng DBM ang P787.95 milyon para sa subsidiya sa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients, at P179 milyon para sa Cancer Assistance Fund upang tiyakin na nagpapatuloy ang tulong at mapagaan ang pasanin ng mga pasyente na naghahangad ng medikal na lunas.

Para naman sa Overseas Filipino Workers (OFWs), P528.09 milyon ang inilaan para sa mga programa ng Department of Migrant Workers (DMW), gaya ng OFW Hospital, Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan Fund, at National Reintegration Center for OFWs.

“About P321 million of the P528.09 million will be allotted for the Emergency Repatriation Program of the Overseas Workers Welfare Administration,” ayon sa DBM.

Ayon pa sa DBM, kabuuang P63.7 bilyon ang gagamitin para sa year-end benefits ng mga empleyado ng gobyerno, kabilang na ang mga guro.

Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang malaking bahagi ng ipinalabas na programmed appropriations ay gagamitin “primarily for social services to ensure that spending for the final stretch of 2025 directly benefits the Filipino people.”

“Our programmed spending for the fourth quarter will boost year-end economic growth and thus impact overall economic growth for the year,” wika ni Pangandaman. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here