MANILA, Philippines – Iniusad ng Bureau of Customs (BOC) ang auction sa pitong luxury cars na nasabat mula sa mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya sa Nobyembre 20, 2025, dahil sa isang super typhoon na inaasahang makakaapekto sa bansa sa susunod na linggo.
Orihinal na nagtakda ang BOC ng petsa ng auction sa Nobyembre 17, na may public viewing para sa mga interesadong bidder sa Nobyembre 10-12.
Dahil dito, inilipat din ng ahensya ang public viewing sa Nobyembre 12-14 sa PUC Parking Area ng Office of the Commissioner (OCOM) Grounds. Samantala, gaganapin ang public auction sa Situation Room, Ground Floor ng OCOM Building sa Port Area, Manila.
Isusubasta ang pitong sasakyang ito, na napatunayang walang record ng import entry at certificates of payment: Toyota Tundra, Toyota Sequoia, Rolls Royce Cullinan, Mercedes-Benz G63 AMG, Mercedes-Benz 6500, Lincoln Navigator, at Bentley Bentayga.
“This auction is part of the BOC’s efforts to recover revenue that rightfully belongs to the Filipino people. We encourage interested bidders to participate and support this initiative, which ensures that public assets are reclaimed and redirected toward national development,” ayon sa BOC.
May kabuuang 13 sasakyan ang nasa kustodiya ng BOC matapos na isailalim sa warrant of seizure at detention order. Ang natitirang anim na sasakyan ay napag-alamang may import entry records ngunit kaduda-dudang mga dokumento sa pagbabayad, ngunit nagsumite ng “position paper” ang mga Discaya upang hamunin ang seizure order ng BOC sa anim na sasakyan.
Nauna nang sinabi ng BOC na ang mga interesadong bidder ay kailangang magparehistro ng hindi bababa sa dalawang araw bago ang pagbebenta at isumite ang pinakabagong certified true copy ng Income o Business Tax Returns na nakatatak at natanggap ng Bureau of Internal Revenue.
Bukod dito, kailangang bayaran ang non-refundable registration fee na P5,050 para makasali sa auction. RNT/MND