MANILA, Philippines – Hinimok ni Vice President Sara Duterte nitong Linggo ang mga local government units (LGUs) na palakasin ang mga patakarang nagpoprotekta sa mga bata laban sa online sexual abuse, habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Children’s Month.
Sa isang pahayag, nanawagan si Duterte sa mga LGU na tugunan ang mga digital safety gaps, bigyan ang mga magulang at tagapag-alaga ng mga tool upang gabayan ang ligtas na paggamit ng internet, at palakasin ang mga halaga ng pamilya upang maprotektahan ang mga kabataan.
“Kailangang mabilis at malinaw ang proseso ng reporting, response, at mga susunod na importanteng hakbang,” ayon kay Duterte.
“Itaguyod din natin ang aktibong paglahok ng mga bata sa ating kampanya upang matiyak na napakikinggan ang kanilang mga saloobin sa mga usaping may kinalaman sa kanila, online man o offline,” dagdag niya.
Ayon sa ulat ng Commission on Human Rights, ang mga kaso ng online na sexual abuse at pagsasamantala sa mga bata sa Pilipinas ay tumaas sa humigit-kumulang 2.7 milyon. RNT/MND