MANILA, Philippines – Kinailangang lisanin ng mga evacuee ang Alicaocao Elementary School sa Cauayan City, Isabela nitong Lunes matapos na tuluyang bahain ang bakuran ng paaralan.
Ani school principal Jumerlyn Garcia, nagsimulang tumaas ang tubig noong madaling-araw.
“Umaga lang, nasa labas pa ang tubig. But then after one hour, napansin ko, one foot na ‘yung idinagdag doon sa level ng water po. And then per hour, nag-i-increase na ‘yung water level natin dito sa loob ng school,” sabi niya.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Isabela, nagmula ang pagbaha sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga mataas na lugar, kabilang ang Aurora at Isabela. Tinangkilik ang mga 30 pamilya o 160 katao sa mas mataas na lugar para sa kaligtasan.
Nauna nang nailikas ng paaralan ang mga gamit tulad ng learning materials, printer, at laptops. Nagpamigay rin ng pagkain ang mga kawani at volunteers bago lisanin ang paaralan.
Hinihiling ni Garcia sa lokal na pamahalaan ang agarang pagkukumpuni sa mga silid-aralan na nasira na ng mga nakaraang bagyo, kabilang ang mga tumutulong na bubong, dahil nagsisilbing evacuation center ang paaralan sa komunidad.
Patuloy na minomonitor ng disaster officials ang mga mabababang lugar sa Isabela, kung saan ilang barangay ang nananatiling binaha. RNT