Home NATIONWIDE Local execs na nasa abroad sa kasagsagan ni Uwan, iimbestigahan

Local execs na nasa abroad sa kasagsagan ni Uwan, iimbestigahan

271
0
NAGLALAKIHANG alon ang humahampas sa Navotas seawall dahil sa lakas ng hangin dala ng bagyong Uwan. JOJO RABULAN

MANILA, Philippines – Iimbestigahan muna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na opisyal na napaulat na umalis ng bansa habang kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Uwan bago pa papanagutin ang mga ito.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kailangan munang idetermina ng gobyerno kung ang kanilang foreign trips ay nakaapekto sa disaster response efforts sa kanilang lokalidad.

“Unang-una po, kailangan munang ma-assess kung ano ang kanilang pakay papunta sa ibang bansa at kung ito po ba talaga ay nakaapekto sa mabilisang pag-aksyon sa mga kababayan nating nakaranas ng hagupit ng bagyo,” ayon kay Castro.

“Hindi po agad-agad nating masasabi na sila ay may sala na. Kailangan po pag-aralan muna,” dagdag pa niya.

At nang tanungin kung maaaring maharap sa parusa para sa paglabag sa standing order ng DILG para sa local executives na manatili sa kanilang puwesto sa panahon ng kalamidad, sinabi ni Castro na ipinauubaya na niya ang bagay na ito kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

“Titignan po muna natin. Ito naman po ay sa pamumuno ni Secretary Jonvic Remulla. Tignan muna natin at kung paano sila magpapaliwanag na despite na may memorandum sila ay umalis ng bansa,” ang sabi pa rin ni Castro.

Sa ulat, ipinagbawal ng DILG ang paglabas ng bansa ng mga lokal na opisyal bunsod ng banta ng super typhoon Uwan.

Ayon kay Remulla, magtatagal ang naturang suspensyon mula Nobyembre 9 hanggang Nobyembre 15, 2025.

Paalala ng DILG, kailangang manatili sa kani-kanilang nasasakupan ang mga gobernador, alkalde, kapitan ng barangay, at iba pang opisyal upang pangunahan ang paghahanda at pagtugon ng mga apektadong lugar bunsod ng nasabing bagyo.

Giit pa ng mga lokal na opisyal na sa ilalim ng Local Government Code of 1991 at Republic Act No. 10121, sila ang chairperson ng kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) at kinakailangang pisikal na pangunahan ang pagtugon sa pagtama ng mga kalamidad.

Matatandaang kamakailan lang nang mag-viral ang ilang alkalde ng Cebu na lubhang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Tino, matapos kumalat sa social media ang kani-kanilang travel authorities na pawang mga nakaalis umano sila ng bansa bago pa tumama ang naturang nakaraang bagyo. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here