MANILA, Philippines – Handang tumugon ang Pilipinas sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung ito ay ilalabas, ayon sa Department of Justice nitong Martes.
Ani Prosecutor General Richard “Dong” Fadullon, “I believe that we will have to comply,” at idinagdag na titingnan pa ang tamang oras ng pagpapatupad.
Ayon kay Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, hindi pa natatanggap ng bansa ang kopya ng warrant, ngunit maaaring i-extradite o isuko si Dela Rosa sa ICC.
Mas mabilis aniya ang surrender kaysa extradition, ngunit maaaring makaapekto sa proseso ang nakabinbing habeas corpus petitions ng mga anak ni dating Pangulong Duterte sa Korte Suprema.
“As a matter of practicality or propriety, we may have to wait for the SC to decide on the issue because our position, that is the one being questioned by the camp of the former president,” ani Chan. “Maraming kailangang timbangin, maraming kailangan na tignan na aspeto from different angles, ano,” dagdag pa niya.
Wala pang opisyal na kumpirmasyon ang kampo ni Dela Rosa tungkol sa warrant. Siya ang naging PNP chief noong administrasyon ni Duterte sa anti-drug operations, na tinatayang umabot sa 30,000 ang namatay ayon sa human rights groups. RNT