MANILA, Philippines – AGAD na kumilos si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maibalik ang kuryente at signal, at maihatid ang tulong sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino.
Sa kanyang maagap na utos, naibalik na ang kuryente sa mahigit 60% ng mga apektadong lugar, ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa ulat ng Department of Energy (DOE) sa pangunguna ni Secretary Sharon Garin, 454 sa 712 apektadong munisipalidad ang may suplay na muli ng kuryente habang nagpapatuloy ang pagpapanumbalik para sa mahigit 3 milyong consumer connections. Tinatayang P4 milyon ang pinsala ng bagyo sa sektor ng enerhiya.
Pinabilis din ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pamumuno ni Secretary Henry Aguda, ang pagpapanumbalik ng signal.
Balik-serbisyo na ng Smart sa 82% ng apektadong lugar, 77% ang Globe, 63% ang Dito, at 79% ang Converge. Patuloy ang pagsasaayos sa natitirang mga lugar.
Nakapagbigay na ang pamahalaan ng PhP324.1 milyon para sa mga pamilyang nasalanta ng Typhoon Tino at PhP48.9 milyon para sa mga biktima ng Super Typhoon Uwan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Samantala, inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng 24/7 clearing operations para maibalik ang daanan ng mga pangunahing kalsada.
Ayon sa DPWH, 26 national roads na ang bukas muli mula sa halos 40 road sections na naapektuhan ng pagbaha, pagguho ng lupa, at mga nabuwal na puno at poste.Patuloy ang clearing sa 13 kalsada sa Cordillera Administrative Region, isa sa National Capital Region, isa sa Region I, sampu sa Region II, isa sa Region III, walo sa Region V, at isa sa Region XII upang matiyak ang ligtas na biyahe ng mga motorista. Kris Jose