KAHAPON, nagsama ang National Disaster Risk Reduction Management Council at Office of Civil Defense na nag-ulat na may apat nang patay at ilang missing.
Ngayon naman, sinasabi ng OCD na umakyat na sa 18 ang nasasawi.
Magiging katulad ba ang magiging findings sa bagyong Tino ang sa super bagyong Uwan?
Ito’y dahil sa unang araw ng paghupa ng bagyong Tino nitong nakaraang linggo, may iniulat na ilang nasawi lamang.
Pero pagkalipas ng ilang araw, anak ng tokwa, umabot na sa 224 at may 109 missing.
Paano naman kaya ang sa Uwan?
Kamakalawa lang, iniulat nga ng NDRRMC at OCD na may 4 na namatay: 1 sa Catanduanes, 1 sa Samar at 2 sa Nueva Ecija at iniulat natin kahapon.
Ngayon, sinasabi ng OCD na may 18 na.
Makalipas kaya ng ilang araw, ilan ang magiging kabuuan ng mga nasawi at missing?
SIRANG KOMUNIKASYON, SIRANG DAAN
Sa ngayon, napakaraming blackout at brownout sa buong Kabisayaan at Luzon na pumipigil sa komunikasyon at pag-uulat nang buo ng mga pangyayari sa mga dinaanan, winasak, binaha at ni-landslide ni Uwan.
Maraming kawad ng kuryente National Grid Corporation of the Philippines at mga electric cooperative ang nasira at nagbunga ng limitadong impormasyon dahil sa pagkamatay o pagkalobat ng mga cellphone at iba pang gadget sa komunikasyon.
Tanging ang mga gamit sa komunikasyon ng mga local government unit, sundalo, pulis, television at radio network at print media na lang ang kalimitang ginagamit.
Masama pa, napakaraming lugar ang hindi maabot ng mga search and rescue group dahil sa mga sirang kalsada, tulay, rumaragasang baha at landslide.
Isa rin ito ang malaking dahilan kung bakit limitado talaga ang pagkuha ng mga balita o kumpirmasyon ukol sa mga biktima ng Uwan.
Bagama’t inorder na mismo ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagbabalik ng mga komunikasyon at paggawa ng mga daan ng mga ordinaryong mamamayan at search and rescue group, hindi ganoon kadali ang paggawa ng mga ito.
Maaaring aabot pa nga ng linggo o buwan o taon ang paggawa sa mga ito, lalo na sa mga imprastrakturang kalsada at tulay.
DAGDAG-ULAT SA MGA NASAWI
Ayon sa ODC, may 12 nasawi sa mga landslide sa Cordillera Autonomout Region, 3 sa landslide din sa Cagayan Valley, 1 sa lunod sa Kabikulan, 1 sa pagkakuryente sa Western Visayas at 1 sa Eastern Visayas.
May naapektuhang 6,900 barangay, 653,000 pamilya o 2.4 milyong nagbakwit at 804,000 pamilya ang mga nasa 11,000 evacuation center sa iba’t ibang panig ng bansa.
Buong bansa kasi, mga Bro, ang tinamaan ni Uwan at hindi nito pinalagpas maging ang mga nilindol at tinamaan ni bagyong Tino sa Cebu at iba pahagi ng Kabisayaan.
TULONG-TULONG LAHAT
Anoman ang ibinunga ng bagyong Uwan, mga Bro, ang mahalaga ngayon, magtulong-tulong ang lahat para maibsan ang kasawian, kalungkutan, gutom, uhaw at kawalan na dinanas ng milyon-milyong mamamamayan.
Bawat butil ng bigas, piso at iba pang maiaambag natin sa mga biktima, ibigay natin sa kanila nang walang korapsyon kundi pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa.






