MANILA, Philippines – NAKATAKDANG mag-donate ang Tsina ng P141 million na humanitarian aid sa Pilipinas matapos hagupitin ng Bagyong Tino at Super Typhoon Uwan.
Sa katunayan, inanunsyo ng Chinese Embassy sa Maynila na naglaan ang Tsina ng USD 1 million (humigit-kumulang P58 million) na cash at 10 million Chinese yuan renminbi (humigit-kumulang P82.8 million) na ‘in kind’ para magbigay ng kaginhawaan sa mga biktima.
“We express deep condolences to the victims and sincere sympathies to the bereaved families, the injured, and the affected communities,” ang sinabi ng Embahada.
“We sincerely hope that the Filipino people in the disaster-stricken areas will recover and rebuild their homes soon,” anito pa rin.
Sinabi pa ng embahada na ang mga kaugnay na Chinese provinces, local Chinese communities, at Philippine-based Chinese businesses ay nagpaabot ng agarang tulong sa mga apektadong komunidad.
Nito lamang weekend, binayo ng Super Typhoon Uwan ang karamihan sa Luzon at mga bahagi ng Visayas, dahilan para ma-displaced ang libo-libong katao at pagkasawi ng 25.
Nauna rito, hinagupit naman ng Bagyong Tino ang Cebu at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, na naging dahilan ng malawakang pagbaha at pagkasawi ng 232 katao. (Kris Jose)