Home NATIONWIDE COA nakadiskubre ng mismatched sites at ghost projects sa P344-M flood control...

COA nakadiskubre ng mismatched sites at ghost projects sa P344-M flood control projects sa Bulacan

383
0

Nagsumite ang Commission on Audit (COA) ng apat pang Fraud Audit Reports (FARs) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects sa Bulacan na may kabuuang halagang P344.35 milyon.

Ang mga proyekto ay nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office (DEO).

Batay sa ulat ng COA, lumitaw sa isinagawang inspeksyon ang mga kaso ng fraud, falsification of documents, at kawalan ng accountability mula sa DPWH-Bulacan 1st DEO at mga contractor.

Kabilang sa mga natuklasan ang maling lokasyon ng proyekto, pagkakaroon ng dati nang istruktura sa lugar, at mga ghost project na idineklarang tapos kahit walang nakitang flood control structure sa aktwal na lugar.

Nabigo rin ang nasabing tanggapan ng DPWH na magsumite ng mga kinakailangang dokumento gaya ng paid disbursement vouchers at iba pang supporting records.

Kabilang sa mga contractor na tinukoy ng COA ang SYMS Construction Trading, M3 Konstract Corporation, Elite General Contractor and Development Corporation, at WAWAO Builders.

Pinangalanan din ang mga opisyal ng DPWH-Bulacan 1st DEO na sina Engineer Henry C. Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, Planning and Design Section Chief Ernesto C. Galang, Construction Section Chief Jaypee D. Mendoza, Engineer John Michael E. Ramos, Engineer Ronalie S. Pagtalunan, Engineer Prince Earl P. Deocampo, at Engineer Irene D. Ontingco bilang mga posibleng managot sa mga iregularidad.

Kasama ring binanggit ang mga kinatawan ng mga contractor na sina Sally N. Santos ng SYMS Construction Trading, Jefferson S. Buendia at Louis Raphael DG. Tiqui ng M3 Konstract Corporation, Jaime R. Hernandez, Norberto L. Santos, Michelle G. Cruz, Jasmine Jean I. Gonzaga, at Maritoni P. Melgarito ng Elite General Contractor and Development Corporation, at Jolo Marl V. Tayao, Paul Jayson F. Duya, Lemuel Ephraim SD. Roque, at Mark Allan V. Arevalo ng WAWAO Builders.

Ayon sa COA, ang mga nasabing indibidwal ay posibleng maharap sa mga kaso ng graft and corruption, malversation, at falsification of public documents.

Ang mga bagong ulat ay bahagi ng 29 kabuuang FARs na naisumite na ng COA sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang siyam na nauna nang isinampa sa Office of the Ombudsman.

Tiniyak ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na magpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot at mapanatili ang transparency at integrity sa paggamit ng pondo ng bayan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here