MANILA, Philippines – Sinigurado ng Philippine National Police (PNP) na bibilisan ang pagsasa-ayos at rehabilitasyon ng mga police station na nasira sa hagupit ng Super Typhoon Uwan upang masiguro ang patuloy na serbisyo.
“We are expediting all the necessary procedures to start the repair and rehabilitation of all our facilities damaged by the typhoon,” ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Bukod sa mabilis na pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad ng pulisya, tiniyak din ni Nartatez ang komprehensibong tulong para sa lahat ng mga pulis na naapektuhan ng malakas na bagyo.
“The PNP will also extend assistance to our uniformed and non-uniformed personnel who have been affected by the super typhoon. Maging ang kanilang mga pamilya ay tutulungan din nating makabangon mula sa nagdaang kalamidad,” aniya.
Sinabi ni Nartatez na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang pagpapatuloy ng serbisyo publiko at prayoridad ang agarang pagbangon at kapakanan ng mga tauhan at pasilidad ng gobyerno na apektado ni Uwan. RNT/MND