MANILA, Philippines – Nagsampa ng maraming reklamo para sa graft, technical malversation, falsification of public documents, at iba pa, ang abogadong si Marvin Aceron nitong Biyernes laban kay Senator Francis Escudero at iba pang opisyal dahil sa umano’y maling paggamit ng P352 milyong halaga ng pampublikong pondo sa panahon ng panunungkulan ng mambabatas bilang gobernador ng Sorsogon.
Naglingkod si Escudero bilang gobernador ng Sorsogon mula 2019 hanggang 2021.
Sinabi ni Aceron na isinampa niya ang mga reklamo sa Office of the Ombudsman sa natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa 2021 annual audit report nito sa pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon.
“These are not mere accounting errors. These are deliberate acts that robbed the children of Sorsogon of their future,” ayon kay Aceron.
“The Ombudsman’s office now has the opportunity to demonstrate that accountability is not merely an aspiration but a reality. Under new leadership committed to genuine reform, the Ombudsman can send a clear message: public office is public trust, and betrayal of that trust will not be tolerated,” dagdag niya.
Pinangalanan din bilang mga respondent sa reklamo ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee; gumaganap na provincial accountant na si Rena Garcia; at provincial general services officer Rosalina Hainto, bukod sa iba pa.
Si Aceron din ang nagsampa ng reklamo sa Senate committee on ethics laban kay Escudero dahil sa P30-million campaign donation na natanggap niya noong 2022 mula sa contractor na si Lawrence Lubiano.
Nauna nang sinabi ni Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development, Inc., sa isang House inquiry na ang donasyon ay nagmula sa kanyang personal na pondo at hindi mula sa kumpanya.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga may kontrata sa gobyerno ay ipinagbabawal na magbigay ng kontribusyon sa partisan political activity. RNT/MND