Home LIFESTYLE HEALTH Pinay nurse, kinilala sa 2025 Freddie Webster RN Award for Nursing Excellence...

Pinay nurse, kinilala sa 2025 Freddie Webster RN Award for Nursing Excellence sa US

580
0

FLORIDA, United States – Isang Pinay nurse ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas matapos tanggapin ang 2025 Freddie Webster RN Award for Nursing Excellence sa Estados Unidos.

Ang pinarangalan ay si Ruby Renconada Soriano, MSN, RN, na kasalukuyang nakabase sa Jacksonville, Florida. Ang nasabing parangal ay isa sa mga pinakamataas na pagkilalang ibinibigay sa larangan ng oncology nursing.

Ayon sa WeCareJax, isang non-profit organization, kinilala si Soriano dahil sa kaniyang natatanging serbisyo bilang oncology nurse navigator sa The Jacoby Breast Center ng Mayo Clinic.

May higit sampung taon na karanasan si Ruby sa oncology nursing, patient navigation, at clinical program management. Inilarawan siya bilang isang propesyunal na lubos ang dedikasyon sa paggabayan at pagtatanggol sa kapakanan ng mga pasyenteng dumaraan sa kanilang cancer journey.

Binigyang-diin din ang kaniyang mahalagang papel sa pagpapalakas ng patient-centered care, pagbuo ng mga programa, at pagpapabuti ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan—na umangat lalo dahil sa kaniyang malasakit at husay.

Bago ang kaniyang kasalukuyang tungkulin, nagsilbi si Ruby sa Ascension St. Vincent’s sa Jacksonville kung saan siya nagbigay ng hospital care. Ayon sa kanya, ang karangalang kaniyang tinanggap ay hindi lamang sumasalamin sa sarili niyang pagsisikap kundi pati na rin sa dedikasyon ng kaniyang dating team sa paglilingkod sa mga vulnerable communities.

Ang WeCareJax o We Care Jacksonville ay isang organisasyong nag-uugnay ng volunteer medical professionals, mga ospital, at community clinics upang matulungan ang tinatayang 1,700 hanggang 2,000 pasyente sa medical care bawat taon.

Ang tagumpay ni Soriano ay patunay ng patuloy na malaking kontribusyon ng mga Pilipinong nurse sa Estados Unidos—mga propesyunal na kilala sa kanilang husay, malasakit, at walang pagod na dedikasyon sa pangangalaga ng pasyente sa buong mundo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here