Home TOP STORIES BF ni Nadine Lustre, idinadawit sa isyu ng umano’y illegal shoreline works...

BF ni Nadine Lustre, idinadawit sa isyu ng umano’y illegal shoreline works sa Siargao

313
0

Nagpalabas ng cease and desist order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa Paloma Resort sa Barangay Malinao, General Luna, Siargao dahil sa umano’y illegal na reef excavation.

Inilabas ang naturang order matapos makapagsumite ang ilang residente ng reklamo kaugnay ng umano’y illegal na shoreline construction sa bahagi ng Siargao Island Protected Coast.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa posibleng paglabag ng Paloma Resort sa environmental laws, lumitaw sa mga ulat ng ilang residente na isa pang resort—ang Maison Bukana—ay sinasabing sangkot din umano sa katulad na aktibidad. Ang Maison Bukana ay iniuugnay kay Christophe Bariou, French partner ng aktres na si Nadine Lustre.

Walang direktang pahayag ang DENR hinggil sa Maison Bukana, ngunit ayon sa ilang residente, matagal nang may mga reklamo sa Barangay Malinao mula pa noong 2019 tungkol sa umano’y reclamation at embankment activities malapit sa Secret Beach, na bahagi ng Siargao Island Protected Landscape and Seascape (SIPLAS).

Ayon kay Atty. Farah Reyes, dating Municipal Legal Officer Designate ng General Luna, bago pa man nabigyan ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang Maison Bukana noong Agosto 2019, nakapansin na umano ang ilang residente ng “land build-up” sa lugar. Noong 2024, naglabas umano ang barangay ng Barangay Resolution No. 10 na kumokondena sa umano’y illegal reclamation at construction sa Malinao River.

Nauna nang nagpalabas ang munisipyo noong 2022 ng Municipal Resolution No. 0410-22 na nagbabawal sa Maison Bukana na gamitin ang public easement, matapos umano itong maglagay ng bamboo fence at entrance arch na nakahahadlang sa coastal access.

Umaasa ang ilang residente na ang magiging hakbang sa Maison Bukana, kung mayroon man, ay magiging kapareho ng proseso ng DENR sa Paloma Resort, kabilang ang pormal na imbestigasyon.

Giit ng mga residente, ang Maison Bukana at Paloma Resort ay parehong nasa loob ng SIPLAS protected zone, kung saan kinakailangan ng clearance mula sa Protected Area Management Board (PAMB) at Philippine Reclamation Authority (PRA) bago magsagawa ng anumang konstruksyon o aktibidad sa baybayin.

Sa isang pahayag sa kanyang social media account, pinabulaanan ni Bariou ang anomang kaugnayan nila sa mga gawaing umano’y nakasasama sa reef. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here