PINASARINGAN ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia si dating Rep. Zaldy Co hinggil sa ikalawang video na isinapubliko nito sa pamamagitan ng social media na halatang idinisenyo upang makalikha muli ng ingay.
Ayon kay Goitia, puno umano ng theatrics, emosyon, at akusasyong tila idinisenyong magpahiwatig ng katiwalian sa pinakamataas na antas ng pamahalaan.
Giit ni Goitia, ang drama ay hindi ebidensya.
Ang isa umanong paratang na ganito kabigat ay hindi napapatunayan sa pamamagitan lamang ng mga video na ginawa malayo sa bansa. Kailangan umanong may kasamang dokumento at beripikadong katotohanan para ito maging kapanipaniwala.
Ayon kay Goitia, ang pinaka-matapang na pahayag ni Co ay ang umano’y personal niyang pagdadala ng maleta ng pera sa Malacañang at kay Speaker Martin Romualdez.
“Napakabigat ng paratang na personal kang naghatid ng pera sa Pangulo at sa Speaker,” ani Goitia.
“Hindi puwedeng tanggapin iyan base sa salita lang. Dapat may dokumento, rekord, o anumang ebidensya. Kung wala, kwento lang ito,” dagdag pa nito.
Aniya, wala umanong ni isang ebidensya ang kasama sa pahayag ni Co kung saan walang visitor log, walang CCTV timestamp, may petsa pero nakakapagduda.
Ayon kay Goitia, naglabas din si Co ng mga larawan ng mga nakahilera umanong maleta na sinasabi niyang naglalaman ng pera.
Ngunit ayon kay Goitia, hindi sapat ang larawan ng mga maleta para patunayan ang anumang anomalya.
“Kung totoong may naganap na paghahatid ng pera, dapat may malinaw na bakas,” ani Goitia. “Pero wala siyang ipinakita — walang log, walang petsa, walang dokumento,” dagdag pa nito.
Sa pananaw ni Goitia, ang mismong kawalan ng pruweba ay mas nakakabahala kaysa sa mga akusasyong ibinabato.
Kinondena din ni Goitia ang magkakaibang mga pahayag ni Co kung saan sinabi umano nito na nagdala siya ng pera wala siyang natanggap na pera, napilitan lang siya, at inilalantad niya ang katotohanan.
“Hindi puwedeng parehong totoo ang dalawang magkasalungat na pahayag,” sabi ni Goitia.
“Kung ang isang kwento ay salungat sa sarili nito, hindi ito maaaring paniwalaan — malinaw na may butas at kahinaan ang naratibo,” ayon pa kay Goitia.
Muling iginiit ni Goitia na kung talagang totoo ang mga paratang ni Co, bakit hindi niya umano ito ilahad sa Pilipinas, sa ilalim ng panunumpa, sa mga institusyong may kapangyarihang magsiyasat?
Sa halip aniya ay sa video mula sa ibang bansa niya ito inilalabas — malayo sa cross examination at sa tunay na proseso ng hustisya.
Lalo pang nagiging kahina-hinala ang pag-iwas niyang humarap sa tamang forum kung isasaalang-alang ang ginawa ng Pangulo:
Ayon kay Goitia, nag-iiba ang kwento ni Co sa bawat video. Pero hindi nagbabago ang pinakamahalagang bagay, wala pa rin siyang inilalabas na matibay na ebidensya.
“Kung walang matibay na ebidensya, hindi iyon katotohanan,” diin ni Goitia.
“At hindi dapat naaapektuhan ang taumbayan ng mga akusasyong walang sapat na patunay.”
Pansamantalang nakakalikha ng ingay ang mga haka-haka, pero hindi nito umano kayang guluhin ang katotohanan.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na kilala at respetadong civic-oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement — mga platapormang patuloy niyang ginagamit upang isulong ang soberanya, reporma, at dignidad ng sambayanang Pilipino. RNT