MANILA, Philippines – Inaasahang mas mahihigitan pa ang bilang ng mga lumahok sa nagdaang National Rally for Peace noong Enero ang bilang ng mga magsisidalo sa tatlong araw na Transparency for a Better Democracy Rally na inilunsad ng Iglesia Ni Cristo na nagsimula ngayong araw ng Linggo.
Ito ay dahil hindi lamang mga miembro ng INC ang lalahok sa rally bukod pa sa iba’t ibang sektor na sumusuporta sa tatlong araw na pagtitipon sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Sa National Rally for Peace noong Enero 13 ay nasa 1.8 milyon ang sinasabing bilang ng mga miembro ng INC na nakipagkaisa at inaasahang ito ay dodoble sa tatlong araw na pagtitipon.
Sa gitna ng mapayapang pagtitipon sa Luneta ay naobserbahan ng mga miyembro ng INC ang mga pulis na may nakasukbit ng baril na nakahalo sa rally kung kaya’t agad na kumilos si General Anthony Aberin, National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief na ipag-utos sa lahat ng pulis na bumalik sa kaniya-kaniyang poste.
Sa panayam ng NET 25 reporter na si Eden Suarez ay sinabi ni Aberin na “ang deployment dapat ng ating kapulisan na nagsisilbing security po ay outside perimeter. We have to understand na iyong talagang mga nakita ay nakahalo dahil sa nagro-roving. So we immediately gave the order na dapat huwag silang humalo at doon lang sila outside the perimeter.”
Dahil dito, sa loob lamang ng 10 minuto ay agad na nagpulasan sa crowd ang mga pulis kasunod ng pagbabanta ni Aberin na kung hindi susundin ang kautusan ay mahaharap sa karampatang kaso ang mga ito.
“We will conduct an investigation at titingnan natin kung ano ang dapat ikaso sa kanila. Pero sa palagay ko po ay nagkamali sila dahil nagro-roving sila, wala pong ganoon dahil dapat ay nasa perimeter security po sila. “
Tiniyak din ni Aberin na walang kautusan ang liderato ng kapulisan na humalo ang nasabing mga pulis sa crowd.
“Ang marching order natin ay we have to observe maximum tolerance kahit ano po ang mangyari ay maximum tolerance at dapat mairespeto po ang karapatang pantao ng bawat isa at the same time lahat po ng action ng ating kapulisan ay anchored po sa police operational procedure.”
Hindi naman tuwirang sinagot ni Aberin kung may natanggap silang banta, panggugulo o pananabotahe sa tatlong araw na rally ng INC magkagayunpaman ay nagbigay siya ng katiyakan na ang presensya ng kapulisan ay para panatilihin ang kapayapaan at bawat isa ay maging ligtas.
“Hindi po natin hahayaan na ito pong pagtitipong ito ay masasabotahe. No less than your Regional Director ang nandito para pangasiwaan po ang deployment ng ating kapulisan and to make sure na ang kapatiran po sa Iglesia ay ligtas po. Meliza Maluntag