MANILA, Philippines – NAKAKASA ang mahigpit na seguridad sa Mendiola Street at sa mga lansangan malapit sa Malacañang Palace sa gitna ng protest rally na isinasagawa ngayon sa Metro Manila, araw ng Linggo, November 16.
Ito’y sa kabila na wala namang protesters sa lugar, ang mga lansangan na papuntang Malakanyang ay naka-block sa pamamagitan ng konkreto at steel barriers na may nakapatong na razor wire.
Ang mga police vehicles, fire trucks at mga ambulansiya ay makikita sa intersection kung saan naka-stand by, ‘in case of emergencies.’
Sa ulat, ang mga lansangan na may three-kilometer ang distansiya mula sa Malakanyang ay sinekyur na ng mga awtoridad, may ilang container vans ang nakaharang sa mga lansangan.
Mayroon namang itinayong police tent sa kahabaan ng Legarda Street na may ilang teams ng mga pulis na naka-riot gear ang naka-deploy.
Hindi kagaya ng anumang uri ng sasakyan, ang pedestrians ay pinapayagan naman na dumaan sa nasabing lugar.
Sa kabila ng mahigpit na seguridad, nananatili namang bukas ang mga food establishments at iba pang uri ng negosyo.
Wala namang notice ng rally o pagtitipon-tipon ang naka-iskedyul sa lugar subalit ang Mendiola ay kinokonsidera bilang ‘strategic point’ dahil sa pagiging malapit nito sa ruta na magdadala papuntang Malakanyang, ang opisyal na tahanan ng Pangulo ng Pilipinas.
Ayon sa Philippine National Police, naka-monitor sila ng pekeng ulat sa social media na dumagsa ang mga tao at nagkagulo na sa Mendiola.
Ito ang nag-udyok kay PNP Chief P/General Jose Melencio Nartatez Jr. an amgpahayag na may ilang online actors ang nagtatangka na lumikha ng tensiyon sa gitna ng protest actions.
Idinagdag pa nito na “PNP is not taking these online manipulations lightly since these could spark violent incidents.”
Naniniwala naman si Nartatez na ang ganitong pagsisikap ng mga online content creators ay ‘coordinated’ at ang PNP ay naka-monitor at nakahandang tumugon sa mga fake news.
Samantala, may ilang lansangan sa distrito ang isinara sa vehicular traffic at pinayuhan ang publiko na gumamit ng alternative routes. Kabilang dito ang C.M Recto St. mula M. Reyes patungong Mendiola, ang kahabaan ng Figueras patungong San Rafael St., Ayala Bridge, at ang eastbound lane ng Ayala Boulevard mula San Marcelino papuntang Romualdez St.
Mayroon namang isang team mula sa Commission on Human Rights sa lugar para obserbahan ang situwasyon at tiyakin na walang magaganap na masamang pangyayari. KRIS JOSE