Home NATIONWIDE PBBM naka-monitor sa rally mula Malakanyang- PCO

PBBM naka-monitor sa rally mula Malakanyang- PCO

233
0

MANILA, Philippines – NAKASUBAYBAY si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga rally na nananawagan ng ‘transparency at accountability’ na isinasagawa ng iba’t ibang grupo.

Sa isang viber message, araw ng Linggo, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na nasa Malakanyang si Pangulong Marcos at naka-monitor sa situwasyon.

“Yes, the President is monitoring today,” ayon kay Gomez.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam na pinakikinggan ni Pangulong Marcos ang hinihingi ng publiko na tugunan ang di umano’y korapsyon sa bansa.

“Naka-monitor naman po siya. Kasi ang pangyayari ngayon ay isang malaking event at kinakailangan rin i-monitor ng Pangulo ‘di lang sa pagbabanta diumano ng iba ng destabilization,” ang sinabi ni Castro.

“Siyempre kailangan niya madinig kung ano ba ‘yung mga nais pa ng mga kababayan natin na magawa ng gobyerno,” aniya pa rin.

Hindi naman aniya nababahala ang Pangulo sa mga nagaganap na protesta subalit nakahanda naman ito sa anumang maaaring mangyari.

“Sa puntong ito, ‘di nababahala ang pangulo dahil alam niya marami sa kababayan natin ang naniniwala sa gobyerno at nakikita ng karamihan ng ating kababayan kung ano na ang ginagawa ng gobyerno para mapanagot ang mga sangkot,” ang pahayag ni Castro.

Kumbinsido rin si Castro na wala namang negatibo sa relasyon sa pagitan ni Pangulong Marcos at ng INC, nag-endorso sa kanya noong 2022 presidential campaign kasama si Vice President Sara Duterte.

“Tingin natin pinakita naman ng members ng INC na sila ay laban sa corruption at ‘yan din ang daan na tinutungo ng Pangulo. So, wala tayong nakikita sa hindi susuportahan ng INC ang Pangulo,” ani Castro.

Bukod dito,wala naman aniyang namamagitan na anumang negatibo sa INC at kay Pangulong Marcos.

“Dahil hindi naman sa Pangulo ang direction ng kanilang rally kung hindi sa korapsyon mismo,” aniya pa rin.

Samantala, ang panawagan ng mga nagpoprotesta ay ‘transparency’ mula sa gobyerno sa gitna ng alegasyon ng korapsyon na may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects sa bansa. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here