Home TOP STORIES Sunod-sunod na aberya sa teknolohiya, umabot sa US National Security Agency

Sunod-sunod na aberya sa teknolohiya, umabot sa US National Security Agency

3
0

WASHINGTON, USA – Umabot na sa US National Security Agency (NSA) ang sunod-sunod na aberya sa mga sistema ng teknolohiya na nagdulot ng pagkawala ng email services sa maraming kompanya at pagkansela o pagkaantala ng libo-libong flight nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa NSA, nakaranas ang kanilang network ng “temporary degradation” habang isinasagawa ang regular na maintenance, ngunit nanatiling gumagana ang mga sistemang mahalaga sa kanilang operasyon.

Nagkaroon din ng aberya sa ilang serbisyo ng bangko nitong Lunes, dahilan upang humingi ng karagdagang paliwanag maging ang ilang kaalyado ni US President Donald Trump.

“If this is all a coincidence, it’s like the greatest coincidence in the history of the world,” pahayag ni US Senator Josh Hawley ng Missouri.

Minamaliit naman ni Trump ang mga insidente at sinabing normal lamang na magkaroon ng ganitong problema ang malalaki at makapangyarihang organisasyon.

Ayon kay Secretary of State Marco Rubio, na siya ring national security adviser, nakababahala ang mga aberya ngunit walang kaugnayan ang mga ito sa isa’t isa. Wala rin umanong ebidensya na kagagawan ito ng masasamang aktor.

“We are not under systemic attack,” ani Rubio sa mga mamamahayag sa Maynila, kung saan dumalo si Trump sa mga pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Nagsimula ang sunod-sunod na aberya noong Huwebes nang maapektuhan ng problema sa Microsoft ang ilang serbisyo nito, kabilang ang email.

Kinabukasan, nagpatupad ang Federal Aviation Administration (FAA) ng nationwide ground stop na tumagal nang apat at kalahating oras. Ito ang pinakamahabang paghinto ng biyahe sa himpapawid sa US mula noong mga pag-atake noong Setyembre 11, 2001.

Noong Lunes, naantala ang humigit-kumulang 150 flight ng United Airlines dahil sa problema sa teknolohiya. Naranasan din ng JPMorgan Chase ang aberya sa software na nakaapekto sa ilang serbisyo nito sa pagbabangko.

Noong Martes, sinabi ng Apple na inaayos nito ang mga sistemang naapektuhan ng isang internal update, kabilang ang iCloud at Apple Pay. Tiniyak ng kompanya na hindi cyberattack ang sanhi ng problema.

Samantala, iniulat ng insurance provider na Marsh na nakapagtala ang mga kliyente nito ng 105 cyber incidents sa huling dalawang linggo ng Oktubre, mahigit doble kumpara sa 48 insidente sa huling dalawang linggo ng Mayo.

Nagbabala ang ilang eksperto na maaaring nakadaragdag sa cyberactivity ang paggamit ng artificial intelligence (AI), dahil nagagamit din umano ito ng mga hacker upang magsagawa ng maraming pag-atake nang sabay-sabay.

Ayon kay Jay Clayton, US director of national intelligence, ang aberya sa NSA ay may kaugnayan sa mga software patch na inilagay upang ayusin ang isang PHP vulnerability na natuklasan sa tulong ng AI noong nakaraang buwan. Posible umanong magamit ang kahinaan upang malayuang makontrol ang mga server.

Iniulat din ng Washington Sun, batay sa tatlong source, na sinabi ng NSA at mga opisyal ng Wall Street sa mga mambabatas na pansamantalang napuno ng mga sistemang pinagtatambalan ng mga software fix ang kanilang kapasidad. Hindi pa ito nakukumpirma ng Reuters.

Nagkaroon din ng mga tanong kung may kaugnayan ang mga tanggalan ng empleyado sa mga aberya. Nauna nang nagbawas ng tauhan ang ilang organisasyon, kabilang ang FAA, United Airlines at Microsoft.

Gayunman, wala pang ebidensyang nagpapatunay na ang mga tanggalan ang sanhi ng mga insidente.

Ayon kay Liz Fong-Jones, isang technology labor organizer na may 20 taong karanasan sa software resilience, mahalaga ang mga bihasang empleyado upang mapanatiling matatag at ligtas ang mga sistema. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here