MANILA, Philippines – Dumating sa Quirino Grandstand si Manila Mayor Isko Moreno -Domagoso kasama si Vice Mayor Chi Atienza upang magbigay ng tulong sa sitwasyong nagaganap sa peace rally.
Ayon sa alkalde, tinignan din niya ang mga nakadeploy na mga medical frontliners sa holding areas na kanilang itinalaga para sa mga dadako sa Maynila.
Para sa mga dadagsa naman sa tatlong araw na peace rally, sinabi ni Domagoso na handa nilang ipagamit ang ilang sports complex sa lungsod kabilang ang Sam Andres Sports Complex, Dapitan Sports Complex at Delpan Sports Complex.
Aniya, ito ay upang masiguro na maging ligtas ang mga makikisa sa peace rally sakaling bumuhos ang ulan.
Nakiisa rin ang alkalde at pamahalaang lungsod sa panawagan at ang kanilang presensya sa kaganapan sa bilang pagtugon sa panawagan ng pakikiisa para panagutin ang mga talipandas.
*Kalat na basura*
Samantala, naniniwala ang alkalde na iiwanang malinis ng mga miyembro ng INC at mga nakiisa ang Luneta Park na walang basura.
Aniya, tulad na rin sa mga naging karanasan ng Maynila at sa nagdaang mga pagdiriwang ng INC noong Setyembre 21 ay walang makikitang bakas ng basura dahil sa malasakit sa kapwa.
Gayunman, sinabi ng alkalde na mayroon pa ring mga nakadeploy na mga tauhan ng Department of Public Safety na aalalay sa paglilinis ng mga kalat.
Umaaaa rin ang alkalde na ang mga dadako sa Maynila ay siya ng magkukusa na maglinis ng kanilang mga basura.
* Panawagan ni Mayor Isko*
Nagagalit na aniya ang mga tao dahil ilang buwan na simula nang mabunyag ang maanomalyang proyekto at matinding korapsyon sa bansa.
Kaya aniya dapat panagutin na ang mga dapat at sa mga pulitiko naman na aniyang gustong sumakay sa peace rally ng INC para sa kanilang personal na intensyon ay huwag nang gamitin ang kaganapang ito.
“Kaya yung mga gustong sumakay na pulitiko huwag na ninyong gamitin ang okasyon na ito para sa inyong mga political interest. This is about the country The intention of the INC ay magkaroon ng kapanatagan at papanagutin yung taong nagkasala.” Jocelyn Tabangcura-Domenden