Home METRO BBC, IKEA, Air France, 175 iba pang website, tinarget ng cyberattack

BBC, IKEA, Air France, 175 iba pang website, tinarget ng cyberattack

5
0

MANILA, Philippines — Nasa 178 organisasyon, kabilang ang mga sikat na website ng BBC, IKEA at Air France-KLM, ang nadamay sa isang cyberattack na naglalayong magnakaw ng impormasyon sa pananalapi at umatake sa mga Apple device.

Natuklasan ng cybersecurity researcher na si Scott Helme ang pagpasok ng malisyosong JavaScript code sa mga website na gumagamit ng Optimizely, isang digital platform na ginagamit ng mga kumpanya upang i-customize at subukan ang kanilang mga website.

Batay sa pagsusuri ng kanyang grupo sa 1,611 JavaScript files, 188 ang natuklasang may injected malicious code na ginagamit ng 178 organisasyon.

Kabilang sa mga website na nadamay ang BBC, CNN, Zoom, Salesforce, GitLab, IKEA, HSBC, Equifax at Air France-KLM.

Layunin ng malisyosong code na palitan ang cryptocurrency wallet addresses upang mapunta sa hackers ang mga transaksiyon, makuha ang detalye ng credit card at magnakaw ng browser cookies at screenshots.

Naglalaman din ito ng karagdagang exploit code na nagta-target sa mga iPhone at iPad upang samantalahin ang ilang kahinaan sa kanilang operating system.

Gayunman, sinabi ng Apple na naayos na noong nakaraang taon ang mga kahinaang tinatarget ng naturang malware at protektado ang mga device na gumagamit ng updated software.

Kinumpirma naman ng Optimizely na may hindi awtorisadong indibidwal na nagsamantala sa kahinaan ng kanilang Web Experimentation platform upang magpasok ng malisyosong JavaScript sa ilang customer projects.

Sinabi ng kumpanya na naayos na ang security vulnerability, inalis ang mapaminsalang code at nagpatupad ng karagdagang proteksiyon upang hindi na maihatid ang mga hindi awtorisadong script.

Gayunman, hindi pa matukoy kung gaano karaming website visitors ang aktuwal na nawalan ng impormasyon o naapektuhan ng naturang pag-atake.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa lawak ng insidente at posibleng pinsalang idinulot nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here