PAMPANGA, Philippines – Tinalakay ng mga kinatawan ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang mga hamon sa labor inspection at pagpapalakas ng panrehiyong kooperasyon sa idinaos na 15th ASEAN Labour Inspection Conference (ALIC) sa Clark, Pampanga.
May temang “Strengthening Labour Inspection in Global and Regional Supply Chains: Accountability, Transparency, and Decent Work” ang kumperensya.
Pinangunahan nina Regional Directors Atty. Joffrey M. Suyao, Geraldine Panlilio at Atty. Sixto Rodriguez Jr. ang mga talakayan na nilahukan ng mga international delegate.
Kabilang sa mga tinalakay ang mga hamon sa pagtukoy at pagtugon sa mga paglabag sa paggawa, pagpapalakas ng transparency sa mga kumpanya at subcontractor, at pagtutulungan ng mga bansang ASEAN upang maprotektahan ang mga manggagawa.
Binigyang-diin ng mga delegado ang kahalagahan ng regular at masusing inspeksyon sa mga lugar ng trabaho upang matukoy ang mga pagkukulang sa pagsunod sa mga pamantayan, mapanatili ang kaligtasan at kalusugan sa trabaho, at maiwasan ang pinsala at pagsasamantala sa mga manggagawa.
Sa kanyang closing remarks, binigyang-diin ni Assistant Secretary Atty. Jebb Lynus Cane ang kahalagahan ng paglulunsad ng ASEAN Guidelines on Occupational Safety and Health in the Informal Sector at ASEAN Guidelines on Strengthening Labour Inspection in the Fishing Sector.
“The launch of the ASEAN Guidelines on Occupational Safety and Health in the Informal Sector and the ASEAN Guidelines on Strengthening Labor Inspection in the Fishing Sector is an important achievement of this conference. The group discussions and the conclusions and recommendations adopted at this conference now give us a basis to move from shared analysis to implementation,” ani Cane.
“Let us leave equipped with a shared resolve to turn our regional guidance and recommendations into practical steps that strengthen inspection, improve accountability, and protect workers throughout supply chains,” dagdag niya.
Pormal ding ipinasa ng Pilipinas sa Myanmar ang pamumuno sa ALIC. Myanmar ang magho-host ng ika-16 na kumperensya sa susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden