MANILA, Philippines – Umaasa si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na tataas ang volume ng mga deboto na makikiisa sa Nazareno 2025.
Dahil dito, nagpaalala ang alkalde sa mga nagtitinda sa bisinidad ng Quiapo na ipagbabawal na ang magtinda sa Enero 7-9, 2026.
Sa Nazareno 2026 press conference sa Quiapo Church, sinabi ni Mayor Isko na siyang Hermano mayor ng kaganapan na non-negotiable ang lahat ng kalsada sa paligid ng Simbahan ng Quiapo sa nasabing mga petsa.
Tiniyak din ng alkalde na nariyan ang Manila Police District (MPD) para tumulong at alalayan ang mga deboto sa buong 10 araw na aktibidad ng Kapistahan ng NAZARENO lalo na sa Traslacion.
Aniya, may augmentation ang MPD dahil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga deboto.
“We expect it’s growing…continue growing, hindi man malagpasan yung volume noon– definitely high expected by city government,” pahayag ng alkalde.
Samantala, sinabi ni Mayor Isko sa mga mamamahayag na maaapektuhan ng signal jamming na maaaring maki-hook ang mga ito sa system ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) upang hindi mahirapan sa paghahatid ng balita.
Ang pahayag ng alkalde ay dahil ba rin sa pagbabawal sa media ng paggamit ng drone para sa aerial shot.
Aniya, hayaan na sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapalipad ng drone sa Traslacion.
“Pwede maki-hook sa sistema namin at papayagan namin kayo–network at radio,” ani Mayor Isko.
Nanawagan din si Mayor Isko sa mga deboto na makipagtulungan sa pagdiriwang upang mapanatiling maayos at payapa ang pagdiriwang tulad na rin ng pakiusap at panawagan ng pamunuan ng Simbahan.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang paghahanda ng Manila LGU para sa 10 araw na pagdiriwang ng Kapistahan ng Quiapo simula Disyembre 31 hanggang mismong araw ng Traslacion sa Enero 9, 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden