Home NATIONWIDE 3 miyembro ng NPA patay sa engkwentro sa Leyte

3 miyembro ng NPA patay sa engkwentro sa Leyte

310
0

TACLOBAN CITY -PATAY ang tatlong umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa isang liblib na barangay sa Jaro, Leyte, nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 17.

Ayon kay Brig. Gen. Pompeyo Jason Almagro, commander ng 802nd Infantry Brigade (IB) na nakabase sa Ormoc City, naganap ang engkuwentro alas-6:24 ng umaga matapos i-report ng mga residente ng Barangay Pange ang presensya ng mga armadong lalaki sa kanilang lugar.

Agad na nagpadala ng mga sundalo mula sa 93rd Infantry Battalion ng 802nd IB, na nauwi sa bakbakan.

Tatlong rebelde ang napatay at dalawang armas ang narecover sa operasyon.

Ayon kay Almagro, may anim na NPA sa lugar ngunit tatlo ang nakatakas habang nagpapatuloy ang palitan ng putok.

“Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang clearing at pursuit operations,” ani Almagro.

Ang mga napatay ay sinasabing miyembro ng Island Committee of Levox ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).

Dinala na ang kanilang mga bangkay sa isang funeral home para sa pagkakakilanlan at pag-claim ng kanilang mga kaanak. Isa sa kanila ay mula sa Alangalang, habang ang dalawa ay mula sa Jaro at Hindang sa Leyte.

Dagdag ni Almagro, na umupo bilang commander ng 802nd IB noong Nobyembre 8, malaki na ang ibinaba ng insurgency situation sa Leyte sa paglipas ng mga taon.

“Namamalagi na lang sila sa mga liblib na lugar dahil hindi na sila kayang magsagawa ng malalaking taktikal na opensiba laban sa tropa ng gobyerno,” aniya.

Sinabi rin niyang ang natitirang presensya ng NPA sa Leyte ay pira-piraso at kalat-kalat na grupo na lamang.

Ang Jaro, na nasa humigit-kumulang 37 kilometro mula sa Tacloban City, ay dating itinuturing na balwarte ng NPA noong kasagsagan ng insurgency sa lalawigan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here