Home NATIONWIDE Panukalang AI development authority, nais ilagay sa ilalim ng DOST

Panukalang AI development authority, nais ilagay sa ilalim ng DOST

4
0

MANILA, Philippines – Iminungkahi ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe Llamanzares na ilagay sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) ang planong ahensyang mangangasiwa sa pagpapaunlad ng artificial intelligence (AI) sa bansa.

Ayon kay Llamanzares, mas angkop ang DOST sa pagsusulong ng pananaliksik at inobasyon kaysa sa Department of Information and Communications Technology (DICT), na marami na umanong responsibilidad sa telekomunikasyon, social media data at iba pang digital concerns.

“I don’t want to bog down the DICT. I see how much they have to handle telecommunications, social media data… and then you’re going to stack on top of it this monumental problem of artificial intelligence. I feel like it’s too much,” aniya.

Inilahad niya ang mungkahi sa 2026 Asean-ROK AI+ Connectivity Forum na inorganisa ng Stratbase Institute at South Korean Embassy sa Pilipinas noong Huwebes.

Iminungkahi ni Llamanzares ang paglikha ng AI Development Authority (AIDA), na bubuo ng pambansang estratehiya sa AI at mag-uugnay sa mga programa ng pamahalaan, industriya at iba pang sektor.

“The DICT is more regulatory in nature. [You] should put it in an agency whose sole purpose is to advance innovation… give it to an agency that hasn’t been given as much importance or attention as it should be,” pahayag niya.

Naniniwala rin ang mambabatas na makatutulong ang paglalagay ng AIDA sa ilalim ng DOST upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa pondo at suporta para sa research and development (R&D) sa bansa.

“We don’t give enough attention to the DOST,” aniya. Dagdag niya, maaari rin itong makatulong upang mahikayat ang mga nagtapos sa science, technology, engineering and mathematics (STEM) na magtrabaho sa pananaliksik at inobasyon ng pamahalaan.

Mula pa noong 2024, isinusulong na ng DOST ang National AI Strategy for the Philippines (NAIS-PH), na nagsisilbing gabay sa pagpapaunlad at paggamit ng AI hanggang 2028. Inaprubahan ito ng pamahalaan noong Mayo 2025.

Tinalakay rin ni Llamanzares ang kanyang panukalang AI Governance Act sa ilalim ng House Bill No. 1196, na naglalayong magtatag ng regulasyon sa paggamit at pagpapaunlad ng AI sa bansa. Kabilang ito sa 27 panukalang batas na may kaugnayan sa AI na pinagsasama-sama sa Kamara.

Hango umano sa risk-based regulatory framework ng European Union ang kanyang panukala, kung saan ikinoklasipika ang mga AI application batay sa posibleng panganib sa mga gumagamit at publiko.

Samantala, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Nobyembre ang Executive Order No. 131 na lumilikha sa National AI Council (NAIC). Layunin nitong pangasiwaan at subaybayan ang pagpapatupad ng pambansang balangkas para sa AI. Pinamumunuan ito ng Executive Secretary at binubuo ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan at kinatawan ng pribadong sektor.

Isinusulong din ni Llamanzares ang mas malawak na kooperasyon ng mga bansa sa Southeast Asia sa pamamahala ng AI, kabilang ang panukalang pagtatatag ng Asean AI center sa ilalim ng mga talakayan sa Asean Inter-Parliamentary Assembly.

Layunin ng naturang sentro na tulungan ang mga mamumuhunan na maunawaan ang magkakaibang regulasyon sa AI sa mga bansa sa rehiyon at mapadali ang pagpapalawak ng kanilang operasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here