AGUSAN DEL SUR, Philippines – Nadagdagan ng 329 ang mga kaso ng dengue sa Agusan del Sur, kaya umabot na sa 4,350 ang kabuuang bilang ng mga nahawahan, habang nananatili sa 22 ang naitalang nasawi, ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Batay sa Dengue Situationer ng PHO noong Nobyembre 23, tumaas ang kaso mula sa 4,021 noong nakaraang linggo. Nasa 0.50 porsiyento naman ang case fatality rate.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Rosario na may 890, mula sa dating 859, at pinakamataas ding attack rate na 17 kada 1,000 residente.
Sinundan ito ng San Francisco na may 578 kaso mula sa 543; Bayugan City na may 476 mula sa 437; at Loreto na may 470 mula sa 425.
Nakapagtala rin ng mga kaso ang iba pang bayan: Prosperidad (383), Bunawan (355), Talacogon (234), Esperanza (222), La Paz (219), Trento (148), San Luis (124), Veruela (119), Santa Josefa (82) at Sibagat (50).
Pinakamaraming tinamaan ang mga batang edad 10 hanggang 14, na bumubuo sa 18.11 porsiyento ng kabuuang kaso.
Sa 22 nasawi, pito ang mula sa Bayugan City, lima sa Rosario, tatlo sa Loreto, tig-dalawa sa Bunawan at San Francisco, at tig-isa sa Trento, Prosperidad at Santa Josefa. RNT/MDS