Home NATIONWIDE Sara Duterte, naghahanap ng mapagkakatiwalaang running mate sa 2028 presidential bid

Sara Duterte, naghahanap ng mapagkakatiwalaang running mate sa 2028 presidential bid

2
0

MANILA, Philippines – Nais ni Vice President Sara Duterte na magkaroon ng mapagkakatiwalaang running mate para sa planong pagtakbo niya bilang pangulo sa 2028 elections.

Sa press conference nitong Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na mahalagang may katuwang siyang mapagkakatiwalaan at hindi umano siya pagtataksilan sakaling manalo sila sa halalan.

“It will be useful to have a running mate, especially a running mate that you trust para unang-una, hindi ka niya impeach; pangalawa, hindi ka niya papatayin; pangatlo, he or she will not poison you somewhere na magkatabi kayo,” ani Duterte.

“So, wala pa akong running mate,” dagdag niya.

Ibinunyag din ng bise presidente na may nakausap na siyang posibleng maging running mate, ngunit hindi pa ito nakapagdedesisyon.

“Yung kinausap ko ha but until now he’s not yet decided,” aniya.

Hindi pinangalanan ni Duterte ang taong kanyang nakausap. Gayunman, sinabi niyang nauunawaan niya ang pag-aalinlangan nito dahil nahihirapan umano ang mga taong itinuturing na kaalyado at kaibigan niya.

“Oo noon, sinabi ko naman yun, may kinausap na ako pero sabi niya ‘it’s too early to decide’ and then naiintindihan ko rin naman yun kasi kung nakikita nyo, lahat ng sabihing kaalyado at kaibigan ko ay pinapahirapan so ang expectation ko, ganun din ang gagawin sa kanya,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Duterte na hindi na siya mangangampanya para sa mga kandidatong senador kung tatakbo siyang pangulo sa 2028.

“For senators, hindi na ako mangampanya kasi pagod na ako sa kanila,” ani Duterte.

Ipinaliwanag niyang nangampanya siya para sa mga kandidato sa pagkasenador noong 2019, 2022 at 2025 elections, ngunit hindi umano siya palaging komportable sa mga pangalang kailangan niyang iendorso.

“I was forced to say names, people that I did not even like,” aniya.

“I was forced to campaign for people that I do not believe in… So, no, no, no, I will not campaign for senators if I run for president,” dagdag niya.

Nang tanungin kung ano ang gagawin niya kung wala siyang mga senador na kakampi, sinabi niya: “Ok lang. May experience na ako ngayon.”

Naghahanap ng running mate si Duterte habang nahaharap sa impeachment trial sa Senado matapos siyang ma-impeach ng House of Representatives noong Mayo 11.

Apat ang orihinal na batayan ng impeachment complaint: umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd); hindi maipaliwanag na yaman; pamamahagi umano ng pera sa mga opisyal ng DepEd; at mga banta umano sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Gayunman, ibinaba ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na alegasyon at iniwan ang usapin tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Sa kabila nito, nananatili ang plano ni Duterte na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here