BAGUIO CITY, Philippines – Nasamsam ng pulisya ang mahigit P17.6 milyong halaga ng ilegal na droga at naaresto ang 20 hinihinalang sangkot sa droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Cordillera mula Nobyembre 16 hanggang 22.
Ayon sa Police Regional Office-Cordillera (PRO-CAR), nagsagawa ang pulisya ng 23 operasyon sa nasabing panahon, kabilang ang 11 buy-bust operation at siyam na aktibidad para sa pagbunot at pagsira ng mga tanim na marijuana. Kabilang sa iba pang operasyon ang pagpapatupad ng search warrant at arrest warrant, gayundin ang pagtugon sa isang insidente.
Nagresulta ang mga operasyon sa pagsira sa 11,076 na ganap nang tumubong halamang marijuana at 8,385 punla nito.
Nasamsam din ang 122,000 gramo ng dahon at namumungang bahagi ng marijuana at 66.08 gramo ng shabu na may kabuuang halagang P17,639,944.
Sa 20 naaresto, tatlo ang kabilang sa high-value individuals habang 17 naman ang street-level individuals.
Pinakamalaki ang nakumpiskang droga sa Ifugao, kung saan nasamsam ng provincial police office ang P14.64 milyong halaga ng dahon at namumungang bahagi ng marijuana. Isang street-level individual ang naaresto sa lalawigan.
Sa Benguet, nasamsam ang P2.59 milyong halaga ng ilegal na droga at naaresto ang tatlong street-level individual.
Sa Baguio City, nakumpiska ang P220,388 halaga ng shabu at naaresto ang 11 suspek, kabilang ang isang high-value individual.
Sa Kalinga, nasamsam ang P142,732 halaga ng shabu at naaresto ang dalawang street-level individual.
Sa Abra, nakumpiska ang P42,160 halaga ng shabu at naaresto ang dalawang suspek—isang high-value individual at isang street-level individual.
Samantala, isang high-value individual ang naaresto sa Apayao habang isinasagawa ang pag-serve ng arrest warrant.
Hinimok ng PRO-CAR ang publiko na isumbong sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga at makiisa sa pagpigil sa mga gawaing ito sa kanilang mga komunidad. RNT/MDS