Home TOP STORIES M5.0 lindol, yumanig sa California

M5.0 lindol, yumanig sa California

1
0

LOS ANGELES, USA – Niyanig ng magnitude 5.0 na lindol ang baybayin ng Southern California nitong Sabado, na nagpagalaw sa mga bintana sa Los Angeles at nagpilit sa isang pampasaherong eroplano na kanselahin ang paglapag sa paliparan ng lungsod.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), nagmula ang lindol sa karagatan malapit sa Manhattan Beach. Sinundan ito ng ilang aftershock.

Nag-trigger ang pagyanig ng mga alarm ng sasakyan, nakabasag ng ilang bintana sa paliparan at nagdulot ng makapal na usok mula sa isang oil refinery matapos awtomatikong maisagawa ang mga safety procedure. Wala namang agarang ulat ng nasaktan o malaking pinsala.

Sinabi ng California Governor’s Office of Emergency Services na nakikipagtulungan ito sa mga lokal na opisyal upang alamin ang epekto ng lindol. Nagbabala rin ito sa posibleng aftershocks.

Napilitang umatras sa paglapag ang isang eroplano ng Delta Airlines habang papalapit sa Los Angeles International Airport nang tumama ang lindol. Iniutos sa mga piloto na kanselahin muna ang landing upang matiyak na walang bitak o pinsala sa runway.

Ayon kay Los Angeles Mayor Karen Bass, tama ang naging desisyon dahil kailangang masuri muna ang mga runway bago muling gamitin.

May aftershock ding nagpabagsak sa isang puting ceiling panel sa paliparan, habang nabasag ang mga bintana sa isa sa mga terminal.

Samantala, pinaandar ng Chevron refinery sa Southern California ang safety flaring procedure upang maiwasan ang posibleng panganib sa sistema nito. Ayon sa kumpanya, kontrolado ang apoy at usok at wala itong banta sa kaligtasan ng komunidad.

Nagsagawa rin ng inspeksyon ang Los Angeles Fire Department sa mahahalagang imprastraktura sa nasasakupan nito, gamit ang mga tauhan mula sa mahigit 100 fire station. Wala itong naitalang malaking pinsala sa imprastraktura o nasaktan sa lungsod.

Ayon sa seismologist na si Lucy Jones, isa itong mas malakas na lindol kumpara sa mga naranasan sa Los Angeles nitong mga nakaraang panahon.

Madalas makaranas ng pagyanig ang West Coast ng United States dahil sa pagtagpo ng ilang tectonic plate. Kabilang sa pinakamapaminsalang lindol sa California ang magnitude 6.7 na tumama sa Northridge noong 1994, na ikinasawi ng dose-dosenang katao at ikinasugat ng libo-libo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here