MANILA, Philippines – Personal na binisita ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay 628, Sta. Mesa, Manila noong Huwebes, Nobyembre 26, upang alamin ang kanilang kalagayan at maghatid ng agarang tulong.
Galing pa sa Senado si Go at dumiretso sa lugar sa kabila ng kanyang abalang iskedyul at nagpapatuloy na budget hearings.
“Pasensya na po kayo. Tumakbo lang po ako. Galing po ako sa Senado. Makikita niyo naman po, may budget hearing sa Senado. Kaya lang po nung nakita ko sa news na nasunugan kayo, sabi ko pupuntahan ko kayo. Babalik pa po ako ngayon sa Senado. Gusto ko lang po makatulong at maka-iwan ng konting ngiti sa inyo,” aniya.
“Alam ko mahirap ang masunugan at huwag lang po kayo mag-alala. Importante po ay buhay tayo,” dagdag niya.
Umabot sa 268 pamilya ang naapektuhan ng sunog. Sa covered court ng barangay, personal na nakausap ni Go ang mga residente at pinaalalahanang mas mahalaga ang buhay at kaligtasan ng kanilang pamilya kaysa sa mga nawalang ari-arian.
Sa pamamagitan ng kanyang tanggapan, namahagi ang Malasakit Team ng financial assistance, grocery packs, pagkain, lalagyan ng tubig, mga damit, bitamina, basketball, volleyball at pickleball.
Namahagi rin ng school bags sa ilang kabataan, habang may mga piling benepisyaryo na nakatanggap ng bisikleta, cellphone at bagong sapatos.
Matapos ang pamamahagi ng tulong, nagtungo si Go sa mismong lugar na nasunog upang makita ang lawak ng pinsala at direktang mapakinggan ang mga pangangailangan ng mga residente.
“Huwag po kayong mawalan ng pag-asa. Ang gamit po, napapalitan, pero ang buhay ay hindi. A lost life is a lost life forever. Magtulungan lang po tayo, sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo kapwa Pilipino. Magseserbisyo ako sa inyo sa abot ng aking makakaya,” pahayag niya.
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangang matulungan ang mga apektadong pamilya na makapagsimulang muli at maibalik ang kanilang kabuhayan. Nagpakita rin siya ng suporta sa isang lokal na tindera ng ice drops at hinikayat ang komunidad na tangkilikin ang maliliit na negosyo.
Pinaalalahanan din niya ang mga opisyal ng barangay na manatiling handang tumulong sa kanilang mga nasasakupan, lalo na sa panahon ng sakuna.
Isinusulong ni Go ang Senate Bill No. 415 na naglalayong magtatag ng Rental Housing Subsidy Program para mabigyan ng pansamantalang tulong sa pabahay ang mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa sakuna habang naghihintay ng permanenteng matutuluyan.
Binanggit din niya ang Republic Act No. 11589 o Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021, na pangunahing iniakda at ini-sponsor niya upang palakasin ang kakayahan ng Bureau of Fire Protection sa pagtugon sa mga sunog.
Kabilang din sa mga isinulong niya ang RA 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act, na nag-aatas sa pagtatayo ng ligtas, matibay at kumpletong evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Kinilala rin ni Go si Barangay 628 Captain Raul Marasigan sa pakikipagtulungan nito sa Malasakit Team para maisagawa ang pamamahagi ng tulong.
Tiniyak ng senador na magpapatuloy ang kanyang tanggapan sa pagtulong sa mga Pilipinong dumaranas ng kahirapan.
“Patuloy kaming magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos,” diin niya. RNT