Home NATIONWIDE Sara Duterte, magbebenta ng mga ari-arian para mabayaran milyon-milyong utang

Sara Duterte, magbebenta ng mga ari-arian para mabayaran milyon-milyong utang

2
0

MANILA, Philippines – Plano ni Vice President Sara Duterte na magbenta ng ilan sa kanyang mga ari-arian upang mabayaran ang milyon-milyong pisong utang na ginamit niya sa mga gastusin para sa legal defense ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) at sa sarili niyang impeachment case.

“Marami pa akong utang (I still have a lot of debts),” pahayag ni Duterte sa press conference nitong Nobyembre 27.

“I intend to sell properties so that will cover the utang (debts),” dagdag niya.

Inihayag ng bise presidente na nangutang siya ng P5 milyon sa dalawang indibidwal noong 2025 upang tustusan ang mga biyahe niya sa The Hague, Netherlands, kung saan nakadetine ang kanyang ama, gayundin ang mga gastusin sa ICC defense nito at paghahanda para sa impeachment proceedings laban sa kanya.

“Last year, 2025, as you can see in my SALN, I have to borrow 5 million from 2 individuals to cover the costs of going back and forth to The Hague and in dealing with the defense of Pres. Duterte in the ICC and preparing for my impeachment case,” aniya.

Hindi pa umano niya natutukoy ang kabuuang nagastos, ngunit inaasahan niyang mas malaki ang pinansiyal na pasanin ngayong taon dahil hindi pa niya nababayaran ang mga naunang utang.

“Likely, it would be higher than last year kasi hindi pa naman ako nagbayad sa utang ko (because I have not yet paid my debt from last year). Nangutang kasi ako sa mga kaibigan sa (I borrowed money from friends in) Davao,” dagdag niya.

Para mabayaran ang kanyang mga obligasyon, plano niyang ibenta ang ilan sa kanyang mga ari-arian, kabilang ang dalawang property sa Davao City na nauna na niyang inilagay sa bentahan. Maaari pa umano siyang magbenta ng iba kung kinakailangan.

“There are already two properties that I announced in Davao City that are for sale,” aniya.

“If I need to add more, then it can easily be done,” dagdag niya.

Tinukoy rin ni Duterte ang pagbabayad sa professional fees ng mga abogado ng kanyang ama bilang isa sa pinakamabibigat na gastusin kaugnay ng ICC proceedings.

“Madami pa akong utang. Madaming mga abugado at marami akong utang sa kanila (I am still in debt. There are many lawyers, and I owe them a lot of money),” aniya.

Sinabi rin ng bise presidente na hindi na siya bibisita sa Netherlands habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanyang ama dahil itinuturing niyang “waste of money” ang biyahe, lalo’t hindi pinapayagan ang pagbisita habang isinasagawa ang proceedings.

Nakadetine si dating Pangulong Duterte sa ICC detention facility sa The Hague, Netherlands, at nahaharap sa paglilitis kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kinalaman sa kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon. Nakatakdang magsimula ang trial sa Nobyembre 30.

Samantala, nahaharap din sa impeachment trial sa Senado ang bise presidente. Naghaharap na ang kanyang defense team ng mga ebidensiya at testigo bilang tugon sa Article II ng impeachment complaint, na kinabibilangan ng mga alegasyon tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman.

Bagama’t iginiit niyang hindi siya magbibitiw sa puwesto sa gitna ng impeachment proceedings, pabirong sinabi ni Duterte na maaari niyang pag-isipan ang pagbibitiw kung magkaroon ng ikatlong impeachment complaint laban sa kanya dahil sa bigat ng gastusin sa paulit-ulit na pagtatanggol sa sarili.

“By that time (a third impeachment case), siguro, mag-resign na ako kasi wala na talaga akong pambayad ng abogado (I’ll probably resign because I don’t have money to pay for a lawyer anymore),” aniya.

Binanggit din niya ang posibleng kahihinatnan ng mga kaso laban sa kanya.

“Puwede nila akong ipakulong. Puwede nila akong ipadala sa Pluto or sa ilalim ng lupa, depende sa kanila (They can have me imprisoned. They can have me sent to Pluto or buried underground. It depends on what they want),” pahayag niya.

Nang tanungin kung personal siyang dadalo sa sesyon ng Senate impeachment court para sa paglalabas ng hatol, sinabi ni Duterte na hindi pa siya nakapagdedesisyon.

Isinaalang-alang niya ang mga nakatakda na niyang aktibidad sa Davao sa Disyembre sa pagpapasya kung dadalo siya nang personal sa mga pagdinig. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here