Home NATIONWIDE DND, DMW, nagbabala vs illegal recruitment na nagpapadala ng Pinoy sa war...

DND, DMW, nagbabala vs illegal recruitment na nagpapadala ng Pinoy sa war zones

2
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of National Defense (DND) at Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko laban sa mga ilegal na recruitment scheme na nagpapadala ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa mga lugar na may digmaan.

Ayon sa DND, nakikipag-ugnayan na ito sa DMW at iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng usapin.

“The Department of National Defense is in consultations with the Department of Migrant Workers and other government agencies on this matter,” ayon sa pahayag ng DND.

“We strongly urge our fellow Filipinos, both at home and abroad, to exercise extreme vigilance against predatory recruitment syndicates that may put their lives and safety at risk,” dagdag nito.

Naglabas din ng kaparehong babala ang DMW sa Facebook.

“Mag-ingat sa mapanlinlang na recruitment na nag-aalok ng trabaho pero giyera pala ang destinasyon,” ayon sa ahensya.

Binigyang-diin ng DMW na kahina-hinala at ilegal ang mga alok na trabaho bilang border, event o mall security, logistics, warehouse personnel, driver o support worker kung may kasamang hindi pangkaraniwang malaking signing bonus at military training.

“Ang alok na border, event or mall security, logistics, warehouse, driver, o support work na may kaakibat na di pangkaraniwang signing bonus at military training ay illegal recruitment at human trafficking,” babala ng DMW.

Hinimok ng ahensya ang mga naghahanap ng trabaho na tiyaking may lisensya ang recruitment agency at beripikahin ang job order, employer, lugar ng trabaho, job description at employment contract.

Nagbabala rin ito laban sa basta pagtitiwala sa mga social media account, link o dokumentong ipinapakita ng mga recruiter.

“Ang trabahong inaasahan mong magbibigay ng magandang kinabukasan ay hindi dapat maging dahilan para malagay sa panganib ang iyong buhay,” paalala ng DMW. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here