MANILA, Philippines – Utas ang tatlong miyembro ng New People’s Army sa isang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa Barangay Pange, Jaro, Leyte nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Brig. Gen. Pompeyo Jason Almagro, kumander ng 802nd Infantry Brigade, kabilang sa mga napatay ang isang squad leader at dalawang miyembro ng medical unit.
Ang grupo ay umano’y nagtayo ng pansamantalang kampo sa lugar upang mang-extort ng pera mula sa mga lokal na magsasaka.
“Ito ay malaking setback para sa NPA dahil mahina na sila at hirap sa pagre-recruit ng bagong miyembro,” ani Almagro.
Nakuha ng mga sundalo ang dalawang .45-caliber pistols sa lugar at patuloy na naghahanap ng iba pang armas na iniwan ng mga nagtatakas na rebelde.
Saklaw ng 802nd Infantry Brigade ang Leyte, Biliran, at ilang bahagi ng Samar at Eastern Samar. RNT