ALBAY, Philippines – Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Cararayan-Naga Elementary School (CNES) sa Tiwi, Albay, araw ng Martes upang personal na tiyakin ang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhang residente matapos ang hagupit ng Super Typhoon Uwan.
Pinangunahan kasi ng Pangulo ang pag-inspeksyon sa ilang nasirang silid-aralan at pasilidad ng paaralan at nakipag-usap din sa mga mag-aaral na nasa kanilang morning classes.
Kasalukuyang nagpapatupad ang CNES ng class-shifting scheme upang ma-accommodate ang 157 apektadong mag-aaral mula sa kabuuang 917.
Namahagi ang Department of Education (DepEd) ng mga learning materials sa pagbisita ng Pangulo.
Nagbigay din ang Office of the President ng isang Starlink unit sa CNES at isa pa para sa Tiwi Central School.
Nagpaabot din ang Office of the President ng 343 school bags at mga snacks para sa mga mag-aaral at mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DepEd Assistant Schools Division Superintendent Bernie Despabiladero, pitong silid-aralan ang matinding napinsala na tinatayang aabot sa PhP 3.5 milyon, habang walong classrooms naman ang may minor damage na PhP 392,000 ang tantiya.
Nasira rin ang tatlong WASH (water, sanitation, and hygiene) facilities, at 200 learning materials at 50 desks.
Dagdag pa ni Despabiladero, nakatanggap na ang paaralan ng iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan tulad ng learners’ kits mula sa DepEd Albay, psychological first aid, at Starlink installation mula sa DICT.
Tumulong din ang mga volunteer mula sa DPWH at mga LGU sa clean-up at clearing operations.
Nagpaabot siya ng pasasalamat kay Pangulong Marcos sa pagbisita sa CNES, na aniya ay nagpapakita ng pagpapahalaga ng Pangulo sa edukasyon.
“On behalf of the entire Schools Division Office of Albay, I want to extend our heartfelt thanks for your visit to Cararayan-Naga Elementary School in Tiwi. Higit sa pasasalamat ay ang aming karangalan na mapuntahan ng pinakamataas na pinuno ng bansa,” ani Despabiladero.
Dagdag pa niya, nagsilbing inspirasyon ang pagbisita ng Pangulo at nakapagpataas ng morale ng mga guro at mag-aaral, pati na rin naghatid ng pambansang atensyon sa pangangailangan ng lokal na edukasyon.
“The visit likewise encourages active participation and shared responsibility among the community- and other stakeholders in supporting the school,” wika pa niya.
Nagpasalamat din ang guro ng CNES na si Marisa Ustares sa Pangulo sa paglalaan ng panahon para bisitahin at tingnan ang kanilang sitwasyon.
“Nagpapasalamat ako kasi kahit papaano, kahit napakalayo ng school namin, nagkaroon ng pagkakataon na mabisita kami,” ayon kay Ustares.
Matapos ang inspeksyon, nagsagawa si Pangulong Marcos ng situation briefing kasama ang mga miyembro ng Gabinete, national at local officials ng gobyerno para suriin ang epekto nng Super Typhoon Uwan sa Albay at matiyak ang tuloy-tuloy na relief at rehabilitasyon.
Kasama sa mga assistance ang emergency cash transfer mula sa DSWD na nagkakahalagang PhP10,263 at mga family, hygiene and kitchen kits sa bawat isa sa mga 141 pamilyang nasiraan ng bahay. (KRIS JOSE)