MANILA, Philippines — Nakatanggap ng eksepsyon mula sa 19% na reciprocal tariff ng US ang ilang pangunahing produktong agrikultural ng Pilipinas, kabilang ang niyog, pinya, saging, at mangga, ayon sa opisyal na anunsyo nitong Martes.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, saklaw ng executive order na inilabas noong Nobyembre 14 ang mga produktong hindi ginagawa sa US, tulad ng coconut copra oil, coconut water, fruit juices, processed pineapples, desiccated coconuts, confectionery goods, processed bananas, tuna fillets, at dried fruits.
“Ang eksepsyon na ito ay magpapalakas sa kakayahan ng ating mga produktong agrikultural sa merkado, magbibigay ng dagdag na trabaho, at magpapalakas sa supply chain,” ani Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs. Idinagdag niya na umabot sa mahigit $1 bilyon noong 2024 ang halaga ng agrikultural na export na libre sa taripa.
Hindi saklaw ng patakaran ang electronics at semiconductors, ang nangungunang export ng Pilipinas sa US. Sinabi ng mga opisyal na nagpapatuloy ang negosasyon upang maisama pa ang iba pang produkto tulad ng garments, travel goods, at furniture. Santi Celario