ANG gulo sa pamilya Marcos ay umabot na sa puntong kahiya-hiya at nakaiiskandalo matapos naiiyak na inamin ni Senator Imee Marcos na ang kanyang kapatid, si President Bongbong Marcos, ay matagal nang lulong sa iligal na droga.
Ang emosyunal niyang pagsisiwalat sa Day 2 ng Iglesia ni Cristo rally sa Maynila ay tinawag na fake news ni First Lady Liza Araneta Marcos, ipinagdiinan kasing peke ito ng umano’y retokadang mukha ng nakatatandang kapatid ng Pangulo.
Saksi tayo sa sariling siraan at pagkakawatak-watak ng First Family habang nagkakanya-kanya ng reaksyon ang bansa sa kahiya-hiyang pagbubunyag na ito – ang ilan ay mistulang nabunutan ng tinik, mayroong nagalit, at may ilang nakisimpatya.
Para sa mga Marcos loyalist, napakasakit makita ito. Isa sa kanila ang dating abogado na si Larry Gadon, na siyempre pa ay nahihirapang panoorin ang kanyang kaibigan, si Sen. Imee, habang pinupulaan ang sariling kapatid, ang Presidente. Nai-imagine ko nang parang torture ito para sa matapang na Marcos loyalist na nasaksihan mismo kung paanong todong dinurog ng senadora ang reputasyon at imahe ng nakababatang kapatid.
Bumwelta si Gadon, nag-usisa kung “Saan na napunta ang utak mo, Imee?” Ibinuking niya na nag-donate ang mga Discaya sa kampanya ng senadora. Inakusahan din niya ang kaibigan ng paninira sa sariling pamilya, sinabing iyon marahil ang naisip na paandar ng mambabatas simula nang ipag-utos ng kapatid ang pagtugis at pagpapanagot sa mga nasa likod ng multi-bilyong pisong flood mitigation scam-projects.
Sinabi ng dating abogado na mayroon daw “bagman” ang senadora sa Department of Public Works and Highways sa Region 1 at malapit na raw itong “kumanta.” Inihayag din ni Gadon na sobra umano ang galit ng ate ni Bongbong Marcos dahil hindi napagbigyan ang hiling nito sa kapatid na bigyan ng mataas na posisyon sa gobyerno ang ilang kaalyado.
Halatadong galit sa video na inilabas sa social media, binanatan ni Gadon si Sen. Imee. Gayunman, sa huli, napagtanto ni Gadon na lalo lang niyang sinira ang mismong pamilya na determinado siyang protektahan at paglingkuran.
Ang mapanirang pagbubunyag ng senadora ay nangyari ilang oras makaraang magbitiw mula sa Gabinete si Executive Secretary Lucas Bersamin. Umalis na rin sa kani-kanilang pwesto sa Palasyo si Budget Secretary Amenah Pangandaman at ang apo sa pamangkin ni Bersamin na si Adrian, mula sa Presidential Legislative Liaison Office.
Sila ang matataas na opisyal na dawit umano sa P100-billion “ghost projects” scam, ayon kay dating Congressman Zaldy Co.
Matatandaang talaga namang nakakagulat ang pagsisiwalat ni Co nitong weekend: sinabi niyang kumubra raw sina Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ng hanggang P56 bilyon halaga ng kickbacks mula sa maanomalyang flood control projects. Ang nasabing alegasyon, na tinawag ng Malacañang bilang “kasinungalingan,” ay bahagi ng tumitinding krisis-legal na nagbabadyang lumamon sa buong pamilya.
Dating pinagkakatiwalaang insider, nagtatago pa rin si Co — na namataan sa Spain at Amerika, malaki ang ibinaba ng timbang, at ngayon ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation na inihain sa Office of the Ombudsman. Akusado siya sa pandarambong ng bilyun-bilyong piso, pamemeke ng mga dokumento, at pagtanggap ng mga hindi karapat-dapat na benepisyo — mga seryosong kaso na maaaring mauwi sa pagkakakulong niya.
Wala nang mas lalala pa sa timing na ito para kay Marcos Jr. o sa kanyang pamilya. Nalantad ang alegasyon ni Co sa kasagsagan ng matinding krisis sa pulitika sa bansa — ang pagbibitiw ng matataas na opisyal ng gobyerno, dumadaming akusasyon, at publikong labis nang nadidismaya sa pamahalaang nasasangkot sa korapsyon. Ang tanong ngayon: nasaan si Martin Romualdez? Haharapin ba niya ang kahihinatnan ng krisis, o patuloy ba siyang magtatago sa likod ng proteksyong pampulitika?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.






