SA pagdinig ng House Bill No. 4453 sa House Committee on Government Reorganization, sinabi ni ICI executive director Brian Hosaka na mahalagang maibigay ang exemption na ito upang maprotektahan ang mga miyembro ng komisyon sa kanilang pagtupad sa tungkulin.
Kasabay nito, hiniling din ng ICI na ipatupad ang probisyong nagbabawal sa mga mababang hukuman, maliban sa Supreme Court, na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o injunction laban sa operasyon at imbestigasyon ng komisyon, katulad ng probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 8975.
Kabilang sa mga dagdag na kapangyarihang hinihingi ng ICI ang:
– Pagkakaroon ng retired justice bilang chairperson;
– Pagsama ng mga eksperto tulad ng lisensyadong inhinyero, arkitekto, miyembro ng akademya, at kinatawan mula sa NGO;
– Kapangyarihang magpreserba o bawiin ang mga ari-ariang nakamit sa pamamagitan ng katiwalian;
– Buong akses sa impormasyon mula sa mga ahensya ng pamahalaan kagaya ng Anti- Money Laundering Council, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, at Land Registration Authority.
– Kakayahang ipasara o kanselahin ang rehistro ng mga kompanyang mapatutunayang sangkot sa maanomalyang proyekto; at
– Awtoridad na irekomenda ang pagkansela ng professional licenses ng mga propesyonal na lumabag.
Iminumungkahi rin ng ICI ang pagbuo ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) bilang kapalit ng kasalukuyang ICI upang ipagpatuloy ang imbestigasyon at bigyan ng seguridad sa trabaho ang mga kasalukuyang kawani nito.
Binigyang-diin ni representative Leila de Lima ng Mamamayang Liberal party-list na kailangang linawin sa batas na ang pagbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa ICI ay hindi dapat makasagasa sa mandato ng mga konstitusyonal na ahensya katulad ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit, at Civil Service Commission.
Ang ICI ay itinatag ni Pangulong BBM bilang bahagi ng kampanya laban sa katiwalian sa mga proyekto ng flood control, subalit sa ngayon ay wala pa itong contempt powers, kaya’t limitado pa ang kakayahan nitong parusahan ang mga hindi tumatalima sa subpoena.
Gayunman, maaari itong magrekomenda ng pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman at Department of Justice, isang hakbang na inaasahang magbibigay linaw sa malawakang isyu ng korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura ng bansa.
Naniniwala naman ang mga eksperto na mataas ang pakikipagtulungan ng mga ahensya ng pamahalaan dahil sa batid nilang nakatutok ang publiko sa itinatakbo ng imbestigasyon ng ICI.






