MANILA, Philippines – Inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na magiging mas mababa at mas stable ang presyo ng sibuyas bago ang kapaskuhan dahil sa pagdating ng mga imported na stocks upang tugunan ang kakulangan sa lokal na supply.
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, sapat ang papapasok na volume upang matugunan ang pangangailangan sa merkado hanggang katapusan ng taon.
“Enough ‘yung volume na parating until the end of the year to cover ‘yung requirements natin, especially pagpasok ng holiday season,” ani De Mesa.
Inaasahan na ang presyo ay unti-unting bababa sa PHP120 hanggang PHP150 kada kilo, mula sa kasalukuyang mataas na presyo na PHP300 kada kilo sa Metro Manila.
Pinahintulutan ng DA ang pag-import ng 59,594 metric tons ng red onions at 37,819 MT ng white o yellow onions, at may bahagi na rito ang naiparating na.
Tiniyak ni De Mesa na hindi na muling aabot sa PHP700 kada kilo ang presyo gaya ng dati, dahil sa napapanahong pag-apruba ng mga import. Santi Celario