Home NATIONWIDE Ari-arian ng gov’t officials na nakuha sa iligal na paraan, maaaring bawiin...

Ari-arian ng gov’t officials na nakuha sa iligal na paraan, maaaring bawiin – SC

299
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Kung mapapatunayang posibleng nakuha sa kinikita sa iligal na paraan ang mga ari-rian ng isang opisyal ng gobyerno, ito ay maaaring kumpiskahin ng estado.

Binigyang-diin ito ng Korte Suprema sa sinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao kung saan kinatigan ng Third Division ang forfeiture ng mga ari-arian, bank deposits, at investment accounts na konektado kay retired Lt. Gen. Jacinto Ligot na dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines.

Kabilang sa mga kinuha ang mga ari-arian na nakarehistro sa pangalan ng kanyang asawa, mga anak, at ilang kamag-anak na itinuturing na “ill-gotten.”

Nagsagawa ng lifestyle check ang Ombudsman at lumabas na ang deklarasyon sa assets ng heneral mula 1982 hanggang 2003 ay hindi tumutugma sa aktwal niyang pag-aari kabilang ang mga titulo sa pangalan ng kanyang pamilya at kamag-anak na sinabi ng Sandiganbayan na nagsilbing “fronts” para itago ang kanyang yaman.

Nadiskubre rin na ang ilang condominium units sa Makati at Taguig na nakapangalan sa kapatid at bayaw ay nadiskubreng si Ligot din at kanyang asawa ang nagbabayad ng amortization.

Ayon sa Sandiganbayan, umaabot sa P102 million ang halaga ng mga property at P53 million naman ang deposits at investment funds na hindi maipaliwanag ng pamilya, kaya ipinataw ang forfeiture.

Sa apela ng heneral sa Korte Suprema, iginiit na lehitimo na pag-aari ng kanilang mga kamag-anak ang mga condominium at hindi rin daw sobra ang kanilang pera kumpara sa kanilang kita.

Habang pending ang kaso, pumanaw na si Gen. Ligot at ipinagpatuloy ng kanyang pamilya ang petisyon ngunit kalaunan ay ibinasura din ng Korte Suprema ang kanilang argumento. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here