MANILA, Philippines – Nanguna ang isang graduate ng University of San Carlos (USC) sa Cebu sa November 2026 Chemical Engineer Licensure Examination matapos makakuha ng pinakamataas na rating na 93.30%.
Ayon sa Professional Regulation Commission (PRC), si Timothy John Alcantara Jala ang nag-top 1 sa pagsusulit na isinagawa noong Nobyembre 14 hanggang 16.
Sa kabuuan, 814 sa 955 examinees ang nakapasa sa computer-based licensure examination, katumbas ng 85.24% national passing rate.
Pumangalawa si Cyra Pineda Panganiban ng University of the Philippines-Los Baños na may 91.10%, habang nasa ikatlong puwesto si Alessandro Niño Glindro Roa ng UP-Diliman na nakakuha ng 90.80%.
Nakuha naman ni Johnaxxel Mark Tomulin Bonjoc ng UP-Visayas sa Iloilo City ang ikaapat na puwesto sa rating na 90.60%.
Panglima si Mack Lauron Abarca Ang ng Ateneo de Davao University na may 90.30%.
Samantala, tatlong examinees ang nagtabla sa ikaanim na puwesto matapos makakuha ng tig-90% rating.
Kabilang dito sina Gabriel Oliver Miranda Atrero ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Jumairah Jasmine Macarik Macalabo ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology at Lance Angelo Tamondong Rovillos ng Mapua University-Manila.
Inilabas ng PRC nitong Huwebes, Nobyembre 19, ang opisyal na resulta ng pagsusulit na nagdagdag ng 814 bagong chemical engineers sa bansa. RNT