Home HOME BANNER STORY Deklarasyon para sa kapayapaan, inanunsyo nina Trump, Putin, Xi

Deklarasyon para sa kapayapaan, inanunsyo nina Trump, Putin, Xi

4
0

MANILA, Philippines – Naglabas ng magkasanib na deklarasyon tungkol sa kapayapaan sina US President Donald Trump, Chinese President Xi Jinping at Russian President Vladimir Putin matapos ang kanilang makasaysayang trilateral summit sa Shenzhen, China nitong Huwebes, Nobyembre 19.

Kabilang sa mga pangunahing pahayag ng tatlong lider ang paninindigang hindi maaaring manalo ang sinuman sa digmaang nukleyar at hindi ito dapat kailanman mangyari.

Sa apat na puntong deklarasyon, nangako rin ang tatlong bansa na magsasagawa ng dayalogo upang mabawasan ang panganib ng paggamit ng nuclear weapons at mapigilan ang paglaganap nito.

Napagkasunduan din nilang isulong ang reporma sa United Nations (UN) upang higit na matugunan ng organisasyon ang mga pandaigdigang hamon at mapanatili ang kapayapaan at seguridad.

Kabilang pa sa mga tinalakay ang pagpapalawak ng produksyon at suplay ng refined petroleum products para sa iba’t ibang bansa at ang paggalang sa immunity ng mga opisyal ng estado sa mga pandaigdigang korte.

Gayunman, walang inilatag na tiyak na iskedyul para sa negosasyon tungkol sa pagbabawas ng nuclear weapons. Hindi rin nagtakda ang deklarasyon ng anumang obligasyong bawasan ang kasalukuyang nuclear arsenals ng tatlong bansa.

Hindi rin nabanggit sa dokumento ang nagpapatuloy na digmaan ng Russia sa Ukraine at ang sigalot ng Estados Unidos at Iran.

Inilarawan ni Trump na matagumpay ang kanilang pagpupulong at sinabing naging mahusay ang kaniyang pakikipag-ugnayan kina Xi at Putin.

Samantala, sinabi ni Putin na hindi nagtakda ng mga ambisyosong layunin ang deklarasyon at walang bansang mapipilitang sumunod sa mga desisyon nito.

Ang pagpupulong sa Shenzhen ay unang pagkakataon na nagsagawa ng trilateral summit ang tatlong lider ng US, China at Russia.

Sa kabila ng deklarasyon, nananatiling bukas ang mga katanungan kung paano maisasalin sa kongkretong hakbang ang kanilang mga pangako, partikular sa pagbabawas ng panganib ng digmaang nukleyar. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here