MANILA, Philippines – Nagkasa ng kilos-protesta ang grupo ng mga kababaihan sa gate ng Office of the Ombudsman para ipanawagan ang paglilinis sa korapsyon sa mga opisina ng pamahalaan, isang araw bago ang selebrasyon ng International Day to End Violence Against Women.
Iginiit ni Jean Enriquez, Executive Director ng Coalition Against Trafficking in Women – Asia Pacific (CATW-AP), na ang mga kalalakihan na sangkot sa mga kaso ng korapsyon ay nagpapalala rin ng karahasan dahil ang korapsyon ay naglalayo ng pondo ng bayan mula sa mga serbisyong para sana sa proteksyon ng mga kababaihan mula sa sexual at gender-based violence.
“Itong pagnanakaw sa kaban ng yaman ay nangangahulugan din ng pagkawala ng pondo para sa pagtulong sa mga biktima ng karahasan sa mga kababaihan kagaya ng mga violence against women desks na mawawalan ng pondo,” ani Enriquez.
Idinagdag pa ng grupo na maraming kababaihan ang nakararanas ng anxiety at depression dahil sa mga baha dulot ng palpak na flood control projects.
“Sa harap ng napakaraming baha na dinanas ng taumbayan, ang mga kababaihan ang pangunahin [na] nagkakaron ng anxiety dahil kailangan nilang iligtas ang kanilang mga anak tuwing bumabaha at dahil tainted ang mga flood control projects ay nanganganib ang buhay ng kanilang mga anak,” sinabi pa ni Enriquez.
Nanawagan siya sa agarang suspensyon ng mga mambabatas na sangkot sa korapsyon, ngunit nilinaw na tutol sila sa mga tangka ng kudeta.
“Ang panawagan namin ay accountability ng lahat. Kinakailangan lahat ay imbestigahan. Hindi kami nananawagan nga lamang ng pagpapalit na agaran ng gobyerno dahil ito’y mangangahulugan ng power grab ng mga nais magsamantala sa kasalukuyang disgusto ng taumbayan,” ayon kay Enriquez.
Nanawagan din ito kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na sumuko na at ipresenta ang lahat ng ebidensya na may kinalaman sa kanyang alegasyon.
“Napakahalaga na siya ay sumuko at kanya ring ilabas ang mga ebidensya hinggil sa kanyang mga paratang. Dahil kung saan man tayo dalhin ng ebidensya, yung mga napatunayan at dapat managot, sino man sila,” sinabi ni Enriquez.
Nitong Biyernes, nag-isyu ang Sandiganbayan ng arrest warrant at hold departure orders laban kay Co at 15 iba pang opisyal ng DPWH at Sunwest Inc. representatives na tinukoy sa maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro. RNT/JGC