MANILA, Philippines – Pinalagan ng Malakanyang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na handa na itong umupo sa pagkapangulo kapag nagbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at tinawag ang nasabing pahayag na “unacceptable” at isang potential source ng “political instability.”
“It is not acceptable for a Vice President to anticipate the resignation of the President,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing.
Sinabi ni Castro na ang naging pahayag ni VP Sara ay nagpahina sa public confidence sa administrasyon nang ang political groups ay inakusahan ng pag-uusap ukol sa mga senaryo, transition councils, at pagkuwestiyon sa kung fit ang Pangulo na mamuno.
“This is definitely a form of political destabilization. Pinapahina niya ang public confidence ng tao sa administrasyon,” ang sinabi ni Castro.
Binanggit naman ni Castro ang mga kontrobersiyang nag-uugnay sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), binanggit ang pangalan ni “Mary Grace Piattos,” diumano’y gawa-gawa lang na indibiduwal na nauugnay sa naunang maling paggamit ng pondo.
“Ang tanong din natin sa taumbayan: handa na ba kayo sa mas marami pang Mary Grace Piattos?” ang winika ni Castro.
Ani Castro, ang paninindigan ni VP Sara na siya ay handa na ay nagpapanukala sa kanyang kampo ng “vacancy” sa presidency.
“Kung handa siya, makikita natin na nag-anticipate siya na mawawala ang Pangulo. ‘Yan po ang nasa isip nila at ‘yan po ang ginagawa nila ngayon,” ang tinuran ni Castro.
At sa tanong kung nananatiling fit si Pangulong Marcos na mamuno sa bansa habang nagpapatuloy ang political noise, tiyak ang naging tugon ng Malakanyang: “Tinatanong pa po ba ‘yan? Of course!”
“Nakikita natin ang trabaho ng Pangulo… Sino po ba talaga ang ready na maging leader ng bansa? Walang iba kundi si Pangulong Marcos Jr.,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Castro na ang Pangulo ay nagpapatuloy na “work daily without pause,” sabay sabi na hindi ito nagbabakasyon at isinantabi ang kanyang personal time dahil sa national priorities. (Kris Jose)