Home METRO LTFRB nangako ng mabilisang tulong sa mga naaksidente sa Albay

LTFRB nangako ng mabilisang tulong sa mga naaksidente sa Albay

280
0

MANILA, Philippines – Nangako ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mabilisang ilalabas ang insurance payment para sa lahat ng biktima ng malagim na aksidente sa kalsada sa Camalig, Albay noong Miyerkules, Nob. 26.

Ayon sa ulat, labing-isang (11) katao ang namatay nang mabangga ng isang mabilis na tumatakbong truck ang van patungong Legazpi City. Sinabi ni LTFRB chairman Vigor D. Mendoza II na bawat namatay ay may karapatang makatanggap ng P400,000 base sa umiiral na regulasyon sa passenger insurance para sa mga pampasaherong sasakyan.

Samantala, ang bawat sugatang biktima ay inaasahang makakatanggap ng P100,000 insurance payment. Ayon kay Mendoza, nakikipag-ugnayan na sila sa insurance company upang masiguro na agarang matutulungan ang mga pamilya ng biktima. “Sa oras na ito, ang mga pamilya ng biktima ay nangangailangan ng agarang tulong at sisiguraduhin ng LTFRB na mabilis ang proseso at pag-release ng insurance,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Mendoza na ang Passenger Accident Management and Insurance Agency, Inc. (PAMI), sa pamumuno ni Bunny Atayde at operations officer na si Bong Nocum, ay nangakong agad ipoproseso ang insurance claim para sa lahat ng biktima.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang van na pagmamay-ari ng Bicol Intercity Transport Cooperative ay patungong Legazpi City nang mabangga ito ng truck sa bayan ng Camalig. Labing-isang (11) sa labing-tatlong (13) pasahero ng van ang namatay dahil sa aksidente.

Bilang bahagi ng protocol, sinuspinde ng LTFRB ang buong fleet ng Bicol Intercity Transport Cooperative na may 10 sasakyan. Sa inilabas na Show Cause Order (SCO), inutusan ang kumpanya na isumite ang roadworthiness test at inspection report ng kanilang mga unit, pati na rin lahat ng dokumento ukol sa kanilang operasyon.

Inutusan din ang kumpanya na patunayan ang pagsunod ng lahat ng kanilang driver sa Driver Proficiency Compliance mula sa TESDA at isuko ang license plates ng kanilang mga awtorisadong unit. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here